Naglabas ng official public statement ang male pageant titleholder na si Jether Palomo matapos makatanggap ng batikos online kaugnay ng naging post niya, na pinag-ugatan naman ng komento ng pagiging "halfie" ni Mister Supranational Philippines 2024 Brandon Espiritu.
Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Palomo na nais niyang direktang tugunan ang isyu at ipaliwanag ang konteksto ng kanyang naging komento.
Ayon sa kaniya, dalawang araw bago sumiklab ang kontrobersiya ay dumalo siya sa birthday celebration ng isang kaibigan kasama ang mga kaibigang mula sa iba't ibang bahagi ng mundo. Sa naturang pagtitipon, hiniling umano sa kanila na umawit gamit ang kani-kanilang katutubong wika.
Matapos maibahagi sa social media ang nasabing okasyon, nagkomento si Palomo ng, “I pledge allegiance to the flag (US),” na agad na nakatawag-pansin at naging usap-usapan online.
Mababasa naman ang komento rito ni Brandon na "raise that flag brother."
Isang netizen naman ang umentrada at nagkomentong, "The question is at least one of you represented the Philippines but no one sang in Tagalog.
Mababasa naman sa komento ni Brandon, "because we aren't from the Philippines. Why would we lie."
Balik na komento naman ng netizen, "then you should have represented your country."
“Tell that to all the front runners for the Philippines. This country wouldn’t have a chance on the national stage without us halfies,” banat naman ni Brandon.
Dahil dito, maraming netizen ang nagpahayag ng pagkadismaya at kinuwestiyon ang implikasyon ng kaniyang pahayag. Kabilang sa mga binakbakan ng mga netizen si Jether.
Maki-Balita: Brandon Espiritu, tinira; Pinas, walang chance sa nat'l pageants kung walang 'halfies?'
Matapos kuyugin ng mga kritisismo, naglabas naman ng public apology si Espiritu.
Maki-Balita: 'I sincerely apologize!' Brandon Espiritu, kumambyo sa nasabi tungkol sa 'halfies'
Going back kay Jether, ipinaliwanag niya na itinuring lamang niya noon ang komento bilang isang biro.
"In response to that post, I commented 'I pledge allegiance to the flag (US).' I was born in the United States, and at the time, I viewed it as a playful nod to that. I now understand that my words caused hurt, and I take full responsibility for them," paliwanag naman ni Palomo.
Dahil dito, humingi siya ng paumanhin sa mga nasaktan at nadismaya sa kanyang naging pahayag.
"For that, I sincerely apologize."
Kinilala rin ni Palomo na hindi sapat ang mabuting intensyon kung may mga taong nasaktan sa naging epekto ng kanyang mga salita.
"Intent doesn't erase impact. I understand why some people were disappointed, and I own that completely."
Binigyang-diin din niya na bagama't ipinanganak siya sa Estados Unidos, buong pagmamalaki niyang kinikilala ang kanyang pagiging Pilipino.
"I am a full Filipino who was born in the United States. I am proud of where I was born, but I am equally proud of my Filipino heritage. I owe so much to this country, and representing the Philippines has been one of the greatest privileges of my life — something I do not take for granted."
Nagpasalamat din si Palomo sa mga nagpahayag ng kanilang saloobin at puna, na aniya ay naging pagkakataon upang siya ay matuto at mas mapalawak ang kanyang pang-unawa.
"Thank you to those who took the time to express your concerns. This experience has given me the opportunity to reflect, learn, and grow."
Kasabay nito, nangako siyang magiging mas maingat sa paggamit ng kanyang plataporma bilang isang public figure.
"Moving forward, I will strive to be more mindful of the platform I have been given and the responsibility that comes with it."
Tinapos niya ang kanyang pahayag sa paghingi ng pag-unawa mula sa publiko.
"Thank you for your grace for an imperfect person like me."
Si Palomo ay isang Filipino pageant titleholder na nakilala sa local pageant scene at naging kinatawan ng Pilipinas sa international competition.
Siya ang kinoronahang Mister Pilipinas Global 2025 at naging kinatawan ng bansa para naman sa Mister Global 2025, kung saan umabot siya sa Top 11.
Bago ito, nakilala rin si Palomo bilang grand winner ng Century Tuna Superbods 2024, isang prestihiyosong fitness competition sa bansa. Noong 2023, nagtapos siya bilang first runner-up sa Mister Tourism World 2023 na ginanap sa Brazil.
Maki-Balita: Marian, hiniritan ng contestant sa Q&A: 'Can I get English please?'
Maki-Balita: Contestant na nagpa-translate kay Marian, grand winner na, hakot awards pa!
Ang kaniyang pahayag ay inilabas matapos ang mga diskusyon online hinggil sa usapin ng identidad, nasyonalidad, at representasyon ng mga Pilipino sa pandaigdigang entablado, lalo na sa mga kagaya niyang sumasali sa pageants.
Sa ngayon, umaasa si Palomo na magsisilbing aral ang insidenteng ito at maging daan upang higit niyang maipakita ang kanyang pagmamahal at pagpapahalaga sa bansang Pilipinas.