Inamin ng Kapamilya actor na si Anthony Jennings na malaki ang naitulong ng mga pagsubok at kontrobersiyang kaniyang pinagdaanan upang mas makilala niya ang sarili at maituwid ang ilang ugaling nabuo kasabay ng kaniyang pagsikat.
Sa panayam sa podcast na "Think Talk Tea," ibinahagi ng aktor na matapos masangkot sa mga isyung naging usap-usapan sa social media, nagkaroon siya ng pagkakataong suriin ang kaniyang sarili at unti-unting baguhin ang mga bagay na napansin niyang hindi na tama.
"Ngayon, nawala na 'yon, binabago ko na yung sarili ko," ani Anthony.
Ayon sa aktor, pansamantala siyang lumayo sa social media noong kasagsagan ng kontrobersiya at mas piniling makasama ang mga taong nakakakilala sa kaniya bago pa man siya sumikat. Aniya, sila ang nagsilbing paalala upang manatili siyang nakatapak sa lupa.
Nagpasalamat din siya sa kaniyang pamilya na naging sandigan niya sa mga panahong pinakamabigat ang kaniyang pinagdadaanan.
"Masaya rin ako sa pamilya ko na umalalay sa akin sa dark times ko," aniya.
Bagama't walang direktang binanggit kung ano ang tinutukoy na isyu, mahihinuhang tungkol ito sa pinag-usapang screenshots ng ex-girlfriend na si Jamela "Jam" Villanueva, tungkol sa expose niya sa umano'y ugnayan nina Anthony at katambal na si Maris Racal, sa hit teleseryeng "Can't Buy Me Love" noong 2024, "labas na sa kanilang mga karakter."
Maki-Balita: 'My truth!' Jam Villanueva, may pasabog laban kina Maris Racal, ex-jowang si Anthony Jennings
Kasabay nito, inamin ni Anthony na dumating din sa puntong nakaapekto sa kaniya ang biglaang kasikatan na natamo niya matapos sumikat ang karakter niyang si Snoop.
Ayon sa aktor, ang serye nina Donny Pangilinan at Belle Mariano ang maituturing niyang pinakamalaking break sa kaniyang karera dahil dito nagsimulang dumagsa ang mga endorsement at iba pang oportunidad.
"Umabot sa ulo ko yun eh, feeling ko sikat ako," diretsahang pag-amin niya.
Maki-Balita: 'Feeling ko sikat ako!' Anthony, 'umabot sa ulo' ang kasikatan dahil sa 'Can't Buy Me Love'
Bagama't hindi naman umano siya naging labis na mayabang, napansin niyang nagkaroon siya ng pagbabago sa pagtingin sa ilang bagay. Kuwento niya, may mga simpleng pagtitipon at imbitasyon siyang hindi pinupuntahan dahil iniisip niyang masyado siyang abala para rito.
Hindi rin niya inaasahan ang matinding pagtangkilik ng publiko sa tambalan nila ni Maris bilang Snoop at Irene o "SnoRene." Sa katunayan, isang araw lamang bago ang shooting ay inalok siya sa papel na Snoop, isang karakter na hindi naman umano orihinal na nakalaan para sa kaniya.
Dahil sa tiwala kay Direk Mae Cruz-Alviar, agad niya itong tinanggap at pinag-aralan nang mabuti. Naging inspirasyon pa niya ang ilan sa kaniyang mga kaibigang lumaki sa lansangan upang mabigyang-buhay ang naturang karakter.
Sa kabila ng tagumpay na hatid ng serye, sinabi ni Anthony na mas mahalaga sa kaniya ngayon ang mga aral na natutunan mula sa kaniyang mga pagkakamali at pagsubok.
Aniya, mas naging mapagpakumbaba, mapanuri sa sarili, at mapagpasalamat siya sa lahat ng biyayang natatanggap matapos ang mga hamong kaniyang nalampasan.