Kinaaliwan ng mga netizen ang naging reaksiyon ng aktres at dating ABS-CBN President at CEO na si Charo Santos-Concio matapos pag-usapan ang pagkakamali ni "Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition" season 1 Kapuso celebrity housemate na si Vince Maristela, tungkol sa "letter C" na host ng "Maalaala Mo Kaya."
Ang Maalaala Mo Kaya o MMK, ay itinuturing na "longest-running drama anthology" sa Pilipinas, na tinapatan naman ng "Magpakailanman" o MPK na hosted ni Mel Tiangco.
Naglaro kasi sa "Laro Laro Pick segment" ng noontime show na "It's Showtime" ang ilan sa PBB celeb collab housemates.
Para kay Vince, ang natapat na tanong ay "Letter C na host ng Maalala Mo Kaya."
Sagot ni Vince ay si Cory Vidanes na isa sa mga ehekutibo ng Kapamilya Network.
Natawa naman si Vice Ganda, Jhong Hilario, at maging ang madlang people studio audience sa naging sagot ni Vince.
"Miss Annette [Gozon-Valdes], si Vince oh, playtime!" natatawang sumbong ni Vice Ganda sa executive ng GMA Network.
"Kasi ito yung pinakamadaling tanong dito," sundot pa ni Vice Ganda. "Grabe ka, hindi ba nanonood ng MMK ang mga La Sallista?"
"MMK, Maalaala Mo Kaya, longest-running drama anthology sa Pilipinas 'yan. 20+ years tumakbo 'yan, bata ka pa lang, hindi ka pa pinapanganak, hanggang sa nagbinata ka na, Maalaala Mo Kaya... yung nagbabasa ng sulat.. letter C..."
"Coco Martin..." sundot na biro na lang ni Vice Ganda.
Nang magbigay ng clue na ang apelyido nito ay "Santos," dito na nasambit ni Vince ang "Ma'am Charo."
"Charo Santos ang host ng Maalaala Mo Kaya," saad ni Vice Ganda.
Kaya naman, matapos ang Showtime, napa-FB reels na lang tuloy si Vince habang nag-e-emote sa loob ng kotse, sa saliw ng theme song ng MMK.
Maki-Balita: Hindi naalala? Vince Maristela, nagkamali ng sagot kung sino ang host ng MMK
Samantala, nakarating naman kay Charo ang nabanggit na episode, at pabiro niyang sinabing pinapatawag niya sa opisina si Vince.
"Hi Vince, please go to my office," pabirong sabi ni Charo.
Kalaunan, sinabi ni Charo na "funny" ang nangyari sa It's Showtime matapos niyang i-share ang video clip nito sa kaniyang Instagram account.
"Hello! Nice to meet you, too, @vincemaristela!"
Sa comment section, pabirong sumagot naman si Vince na kung puwede siyang magpasama sa GMA executive na si Atty. Annette Gozon-Valdes.
"Pwede po ba mag pasama kay Ms. @annettegozonvaldes ?" aniya.
Pero wala naman daw dapat ipag-alala si Vince dahil unang-una, mukhang natuwa lang naman si Charo sa nangyari at hindi naman na-bad trip.
Pangalawa, Kapuso artist si Vince kaya "safe" naman daw ang trabaho niya, aliw na sey ng mga netizen.