July 23, 2026

Home BALITA National

Petisyon ng HS teacher sa liderato ng Senado, ibinasura ng Korte Suprema!

Petisyon ng HS teacher sa liderato ng Senado, ibinasura ng Korte Suprema!
Photo courtesy: John Barry Tayam (FB)/MB File Photo

Dinismiss ng Korte Suprema ang petisyong inihain ng isang guro sa high school na humihiling na kilalaning valid at naaayon sa Konstitusyon ang naganap na sesyon ng Senado noong Hunyo 3, 2026, kung saan nagkaroon ng mga pagbabago sa liderato at idineklarang may quorum kahit 12 senador lamang ang dumalo.

Sa nabanggit na rigodon sa posisyon, nahalal bilang bagong Senate President Pro Tempore at acting Senate President si Sen. Win Gatchalian, matapos ang tatlong araw na pagboycott ng mga senador sa dating majority bloc, maliban kay Sen. Chiz Escudero.

Ipinaliwanag naman ni Escudero sa kaniyang podcast na nagdesisyon siyang dumalo sa sesyon para walang malabag sa Senate rules ang mga senador.

Dahil dito, nahati ang mga senador sa tinatawag ngayong "Cayetano Bloc" at "Gatchalian Bloc."

Sa inilabas na pahayag ng Office of the Spokesperson ng Korte Suprema nitong Miyerkules, Hunyo 10, sinabi nitong ibinasura ang petisyon ng gurong si John Barry Tayam dahil sa kawalan ng legal standing o sapat na batayan upang magsampa ng kaso.

National

US Pres. Trump, ipapaalam kay Chinese Pres. XI Jinping 'concerns' ng Pilipinas—Palasyo

Ayon sa SC, nabigo si Tayam na maipakita na siya ay direktang naapektuhan o nanganganib na maapektuhan ng mga aksiyong kaniyang kinukuwestiyon.

Photo courtesy: Office of the Spokesperson, Supreme Court of the Philippines

Sa kaniyang petisyong isinumite na umabot sa 20 pahina, iginiit ni Tayam na ang presensiya ng 12 senador ay sapat upang makabuo ng legal na quorum.

Ginamit niya bilang batayan ang landmark case na Avelino vs. Cuenco noong 1949, kung saan ipinunto niyang ang mga senador na wala sa saklaw ng kapangyarihan ng Senado upang piliting dumalo ay hindi dapat isama sa kabuuang bilang sa pagkukuwenta ng quorum.

Partikular niyang hiniling sa Korte Suprema na pagtibayin ang legalidad ng lahat ng naging aksiyon ng grupo ni Senador Sherwin Gatchalian, kabilang ang mga deklarasyon ng bakanteng posisyon, halalan ng mga opisyal ng Senado, at reorganisasyon ng mga komite.

Kabilang sa mga respondent sa petisyon sina dating Senate President Alan Peter Cayetano, Sen. Pia Cayetano, at dating Senate President Pro Tempore Loren Legarda, na iginigiit na "unconstitutional" ang naging hakbang nina Gatchalian at iba pang mga kasamahan sa naganap na Senate shakeup.

Maki-Balita: Sen. Loren, pinagdiinang ilegal naganap na quorum at balasahan sa Senado! 

Naglabas na rin ng opisyal na pahayag ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) tungkol dito, at sinabing legal ang naging batayan ng Gatchalian bloc para sa hakbang na palitan ang liderato sa Senado.

Maki-Balita: Integrated Bar of the Phils, sinabing 'lawful' at 'valid' ang quorum ng 12 senador

Sa panayam ng ABS-CBN News matapos ihain ang petisyon, sinabi ni Tayam na nais lamang niyang magkaroon ng malinaw na pasya mula sa Korte Suprema sa gitna ng magkakaibang opinyon ng publiko at mga eksperto sa batas hinggil sa usapin.

“Kasi nagkakagulo eh, yung mga tao sa social media pati iba-ibang legal experts nagkakagulo sila, so at least nasa Supreme Court naman iyong final say,” ani Tayam.