July 23, 2026

Home BALITA Eleksyon

Matapos masibak sa Kamara: Special election sa dating nasasakupan ni Congressmeow, may petsa na!

Matapos masibak sa Kamara: Special election sa dating nasasakupan ni Congressmeow, may petsa na!
Photo courtesy: MB file photo

Itinakda ng Commission on Elections (Comelec) sa Agosto 29, 2026 ang pagsasagawa ng special election sa nag-iisang distrito ng Dasmariñas, Cavite kasunod ng pagpapatalsik kay dating Cavite 4th district Rep. Kiko Barzaga mula sa House of Representatives.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, napagkasunduan na ng Commission en banc ang petsa ng halalan upang mapunan ang nabakanteng puwesto sa Kamara.

“Our fixed date is on August 29. That’s what the Commission en banc also discussed,” ani Garcia sa panayam sa media.

Nauna nang ipinaliwanag ng Comelec na alinsunod sa umiiral na batas, dapat isagawa ang special election hindi mas maaga sa 60 araw at hindi lalampas sa 90 araw mula nang mabakante ang posisyon. 

Inalis sa puwesto si Barzaga noong Hunyo 2 matapos mapatunayang sangkot umano sa “disruptive” at “disorderly behavior” sa Kamara.

Eleksyon

Baste Duterte, Leni Robredo, at Robin Padilla tabla sa unang pwesto sa Senate Preference Survey ng Arkipelago Analytics

KAUGNAY NA BALITA: Sa botong 265-14-8: Kiko Barzaga, tuluyan nang sinipa sa Kamara!

Bilang paghahanda, magsasagawa ang Comelec ng pulong kasama ang mga kinatawan ng  mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Dasmariñas, at iba pang sangay ng gobyerno na magiging bahagi ng eleksyon.

Kasabay nito, humiling na rin ang poll body ng karagdagang pondo mula sa Malacañang upang matustusan ang gastos sa halalan.

“We asked for help from the executive [department], headed by the honorable President. We hope to secure funds from the contingency fund because we have no resources,” pahayag ni Garcia.

Aabot umano sa ₱191 milyon ang kinakailangang budget para sa espesyal na halalan. Kabilang sa mga gastusin ang pag-imprenta ng mga election materials, logistics, at honoraria ng mga guro na magsisilbing electoral board members sa araw ng botohan.

Tinatayang mahigit 437,000 rehistradong botante ang boboto sa Dasmariñas, dahilan upang mas mataas ang pondong kakailanganin para sa operasyon ng eleksyon.

Ayon pa kay Garcia, inatasan na rin niya ang finance department ng Comelec na maghanap ng posibleng savings o budget realignment habang hinihintay ang tugon ng ehekutibo sa kanilang kahilingan.

Bagama't aminado siyang malaking hamon ang kakulangan sa pondo, iginiit niyang hindi ito maaaring maging dahilan upang hindi matuloy ang halalan.

“It’s a challenge for the Comelec but again, lack of budget is not a reason to not hold the elections because the Supreme Court said that the Comelec must find a budget for the special elections,” dagdag niya.

Ang nakatakdang botohan sa Dasmariñas ang magiging isa sa pinakamalalaking special elections na pangangasiwaan ng Comelec sa mga nakalipas na taon. 

Ang huling espesyal na halalan na isinagawa ng ahensya ay noong Marso 2026 para sa ikalawang distrito ng Antipolo matapos ang pagpanaw ni dating Rep. Romeo Acop. Doon ay nahalal ang kanyang anak na si Philip Conrad “Bong” Acop bilang kapalit sa puwesto.