Trigger Warning: Pagbanggit sa rape
Nagbabalak magsampa ng kaso ang Kapuso actress na si Klea Pineda laban sa netizen na nagbantang pagsasamantalahan siya.
Sa ulat ng “24 Oras” noong Martes, Hunyo 9, sinabi ni Klea na hindi na raw niya palalampasin pa ang ginawa ng netizen.
Aniya, “Minsan lang ako magsalita sa social media. This time parang hindi ko na pinalagpas kasi sobra-sobra na ‘yon.”
"‘Yong family ko nagpu-push na kailangang may gawin kaming action about it," dugtong pa ni Klea.
Matatandaang unang ibinahagi ng aktres ang tungkol dito sa kaniyang Facebook MyDay noong Mayo kung saan mababasa ang screenshot ng sensitibong mensaheng ipinadala sa kaniya.
"[D]apat sayo nirarape e kaso pati rapist aayaw asim mo e," saad dito.
Makalipas ang isang araw, naglabas ang talent agency ng GMA Network na Sparkle para tumindig sa tabi ni Klea.
Anila, hindi raw nila kukunsintihin ang mga gawing may bahid ng muhi at pananakot. Pinagtibay din ng Sparkle ang kanilang tungkulin sa pangangalaga ng kanilang mga artistang tulad ni Klea.
Maki-Balita: ‘Asim mo!’ Klea Pineda, umalma sa sensitibong mensahe