June 09, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'Ganti ng api?' Ryzza Mae Dizon, binili bahay ng matapobreng kapitbahay

'Ganti ng api?' Ryzza Mae Dizon, binili bahay ng matapobreng kapitbahay
Photo courtesy: Toni Talks (YT)

Ikinuwento ni dating “Little Miss Philippines 2012” at “Eat Bulaga” host na si Ryzza Mae Dizon ang naging mapait umano niyang karanasan sa isang matapobreng kapitbahay noong bata pa lang siya at hindi niya ito nalimutan. 

Sa inilabas na episode ng “Toni Talks” ng aktres na si Toni Gonzaga sa kaniyang YouTube Channel kung saan nakapanayam niya si Ryzza noong Linggo, Hunyo 7, 2026, inilahad ng batang TV host na alam daw niya ang hirap ng buhay ng kaniyang pamilya noong bata pa siya. 

“Alam ko po ‘yong pinagdaanan namin dati. Hindi siya naging madali. ‘Yong buhay namin, napakahirap,” pagsisimula niya. 

Ani Ryzaa, naranasan daw niya na masabihang mas may halaga pa ang isang vase kaysa sa kaniyang buhay nang minsan daw siyang makatabig nito na pagmamay-ari ng kanilang kapitbahay noon. 

“Na-experience ko po noong bata po ako, meron pong kapitbahay kami na malaki ‘yong bahay. Tapos may balikbayan siyang apo na dumating,” aniya. 

Tsika at Intriga

Claudia Barretto, pinatatanggal na raw apelyidong 'Baldivia;' Dennis Padilla, sad Papa!

Dagdag pa niya, “Nakipaglaro po ako tapos medyo asagi po ‘yong vase. [Maliit] lang po ‘yong nabasag. Nasabihan po ako na, ‘Mas mahal pa ‘yan sa buhay mo!’” 

Saad ni Ryzza, tumatak daw sa musmos niyang isipan ang naranasan niyang pang-aalipusta mula sa matapobreng kapitbahay, kaya raw sinabi niya sa kaniyang sarili na kailangan niyang magsipag para sa kinabukasan niya at ng kaniyang pamilya. 

“So parang tumatak po ‘yon sa akin na balang-araw magsisipag talaga ako para hindi ako masabihan ng ganoon,” ‘ika niya. 

Ngunit pagpapatuloy ni Ryzza, may “plot twist” naman daw sa karanasan niyang iyon dahil nabili niya ang bahay ng kaniyang kapitbahay na umalipusta sa kaniya noon. 

“Hindi ko po kinalimutan ‘yon. May plot twist ‘yon, Miss Toni. Noong nanalo po ako, nabili ko po ‘yong bahay nila,” pagtatapos niya. 

KAUGNAY NA BALITA: ‘May batang gustong ipasok!’ Ryzza Mae, top 1 sa muntik nang sipain noon sa Eat Bulaga