Sinariwa ni dating “Little Miss Philippines 2012” at TV host Ryzza Mae Dizon ang tungkol sa muntik na pagkatanggal niya dati sa longest-running noontime show na “Eat Bulaga,” noong nasa GMA Network pa ito.
Sa latest episode ng “Toni Talks” noong Linggo, Hunyo 7, sinabi ni Ryzza na siguradong sigurado raw siyang gusto na siyang tanggalin noon ng dati nilang kompanya sa nasabing longest-running noontime show sa Pilipinas.
“Ako ‘yong top 1 po na sure na sure na gusto nilang tanggalin nung dati po naming company [kasi] mayroon pong bata na gusto rin ipasok,” lahad ni Ryzza.
Sa katunayan, ayon sa dating Little Miss Philippines, ineensayo na ang batang hahalili sa kaniya.
Dagdag pa niya, “[Masakit po sa akin] kasi ‘yong time na ‘yon po kasi ‘yon na po ‘yong once a week na lang ako pinapapasok. Tapos sa isang segment lang po ako puwedeng lumabas kasi ‘yon ‘yong instruction po sa kanila.”
Gayunman, nilinaw ni Ryzza na wala umanong kinalaman ang TVJ o sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon sa napipintong pamamaalam niya sa programa.
Kaya naman malaki ang pasasalamat niya sa tatlong host ng Eat Bulaga na ipinaglaban siya para hindi siya tuluyang maalis bilang host.
Aniya, “Grabe rin po ‘yong assurance na binigay nila sa amin, hindi lang po sa akin kasi parang lahat naman po kami planong alisin, pero ako lang po ‘yong sure na sure na talaga.”
Samantala, hindi naman na pinangalanan pa ni Ryzza kung sino ang batang ipapalit sana sa kaniya.
Matatandaang nagkaroon ng problema noong 2023 sa pagitan ng TVJ at Television and Production Exponents, Inc. (TAPE) na producer ng Eat Bulaga, na naging dahilan para umalis ng Kapuso Network at lumipat sa TV5.
Bukod kay Ryzza Mae, sumunod sa TVJ ang original hosts ng EB na sina Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros, Allan K, Ryan Agoncillo, at Maine Mendoza.
Ayon sa isiniwalat noon ng ngayo’y senador na si Tito, milyones umano ang utang ng korporasyon kina Vic at Joey.
"Wala daw utang kay Vic at Joey ang TAPE. That’s completely false, ng laki ng utang kay Vic at kay Joey. Mahigit tig-₱30 million ang utang sa kanila," aniya na anng tinutukoy ay para sa taong 2022 pa lang.
MAKI-BALITA: Eat Bulaga, pagmamay-ari ng TVJ, sey ni Tito Sen: ‘That is uncontestable’
MAKI-BALITA: Problema sa pera ng TAPE, isiniwalat ni Tito Sen; utang daw kay Vic, Joey higit-kumulang tig-P30M na
Kalaunan, pinawalang-bisa na ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHIL) ang Trademark Registration ng TAPE, Inc. para sa titulong “Eat Bulaga!”
MAKI-BALITA: Trademark registration ng ‘Eat Bulaga!’ sa TAPE, kanselado na
Sa kasalukuyan, regular host pa rin naman si Ryzza sa Eat Bulaga na umeere sa TV5 mula Lunes hanggang Sabado.