Inilatag ni Gabriel Go ang nakikita niyang solusyon upang maayos ang sistema ng public transportation sa Pilipinas sakaling sumabak siya sa politika.
Maki-Balita: Gabriel Go, bukas pumasok sa politika
Si Go ang kasalukuyang chief ng Special Operations Group-Strike Force ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa ginanap na monthly balitaan forum ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) nitong Martes, Hunyo, 9, sinabi ni Go na bagama’t may mga train at busway na sa Pilipinas, kulang naman daw ang bansa sa mga pasilidad.
“Lagi nating sinasabi, improve public transportation,” panimula ni Go. “Ang tanong, paano natin gagawin? May LRT tayo, may bagong LRT stations, may bagong MRT stations, may rapid busway tayo. Ano pa bang kulang? Alam n'yo, kulang? Facilities.”
“Imagine mo, ikaw, maghihintay ka ng bus, saan ka tatayo? Sa initan? Saan ka tatayo kapag umuulan? Nakapayong ka, naghihintay ka,” dugtong pa niya.
Ayon kay Go, mainam umanong gawin ang integrated terminals. “For example, integrated terminals. Unang level, electric jeep. Modernized. Second level, TNVS. Third level, sabihin na natin, mga van. UV Express,” saad ng SOG-SF chief.
Dagdag pa niya, “Imagine n’yo, pupunta kayo bilang commuters, pagpasok n’yo sa integrated terminal, mayro’ng tindahan. Puwedeng mamili. Puwede kayong magpahinga [at] may CR na maayos. [...] We need facilities that serve the people.”
Matatandaang bukod sa pagiging chief ng SOG-SF ng MMDA, kilala rin si Go sa mga ibinabahagi niyang video sa kaniyang social media platform kaugnay sa paninita at panghuhuli sa mga lumalabag sa batas-trapiko.