Iginiit ni Sen. Erwin Tulfo na walang kapalit o anumang kasunduan ang pagdalo ni dating Senate President Francis “Chiz” Escudero sa sesyon ng Senado nitong Miyerkules, Hunyo 3, sa gitna ng mga espekulasyon kaugnay ng nagpapatuloy na sigalot sa loob ng kapulungan.
Sa panayam ng media, sinabi ni Tulfo na walang basehan ang mga alegasyong may naging kapalit ang pagdalo ni Escudero sa sesyon. Pinabulaanan din niya ang mga pahayag na umano’y nakialam ang Malacañang upang matiyak ang pagdalo ng senador.
“Bakit makikialam ang Palasyo? This is a Senate, we are another branch of the government,” ani Tulfo.
Lumabas ang pahayag ni Tulfo habang patuloy na pinag-uusapan ang mga pangyayari sa Senado kasunod ng mga tensyon sa pagitan ng magkakaibang grupo ng mga senador kaugnay ng pamumuno sa kapulungan.
Matatandaang dumalo si Escudero sa sesyon at muling ipinagtanggol ang kanyang mga naging hakbang bilang Senate President.
Sa isang pahayag, sinabi niyang hindi siya kumakampi sa anumang paksyon at ang kanyang katapatan ay para sa Senado bilang institusyon.
“This is not a political contest. I am not taking sides. I am taking a stand for the Senate. My allegiance is not to any faction, personality, group or alliance. This is not about loyalty, betrayal, or choosing one group over the other—this is about duty,” ayon kay Escudero.
KAUGNAY NA BALITA: Tawid-bakod na? Sen. Chiz, binulaga plenary session!
Ang mga pahayag nina Tulfo at Escudero ay dumating sa gitna ng mga kaganapan sa Senado kung saan naging sentro ng usapin ang pagpapatuloy ng mga sesyon at ang mga hakbang ng liderato ng kapulungan.
Sa kabila nito, iginiit ni Tulfo na ang Senado ay isang malayang sangay ng pamahalaan at ang mga usapin sa loob nito ay dapat resolbahin ng mga senador mismo nang walang impluwensiya mula sa ibang sangay ng gobyerno.
Patuloy namang inaasahan ang mga susunod na hakbang ng Senado habang nagpapatuloy ang mga diskusyon at konsultasyon sa loob ng kapulungan kaugnay ng mga isyung nakaaapekto sa operasyon at pamumuno nito.
MAKI-BALITA: Ano na? Magkaibang Blue Ribbon Committee, magkakasa ng flood control probe