June 01, 2026

Home BALITA National

'The President and the Vice President do not share the same views!'—Usec. Castro

'The President and the Vice President do not share the same views!'—Usec. Castro
Photo courtesy: RTVM, PCO, File Photo

Inilahad sa publiko ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro ang pagkakaiba raw ng mga paniniwala at pamumuno nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at Vice President Sara Duterte. 

Sa isinagawang press briefing ni Castro nitong Lunes, Hunyo 1, 2026, natanong siya ng media tungkol sa usapin ng tila ayaw mangyari ng Pangulo na maiba ang takbo ng kaniyang pamumuno kapag may pumalit na sa kaniya sa Halalan 2028. 

Ayon kay Castro, tila lumalabas daw sa panahon ngayon ang pagkakaiba naman ni PBBM kay VP Sara lalo na sa kanilang mga paniniwala. 

“Sa ngayon it appears that the President and the Vice President do not share the same views,” simula ni Castro. 

Anang undersecretary, ipinaglalaban daw ng Pangulo ang karapatan ng mga Pilipino at ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) at laging nagtatrabaho nang hindi puro bakasyon.  

National

PNP, 'no need' bumuo pa ng manhunt team vs Sen. Bato!

“Ang Pangulo po pinaglalaban ang karapatan ng bawat Pilipino at interes ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Nandyan po ang Pangulo na aksyon-aksyon hindi bakasyon,” aniya. 

Buwelta ni Castro, hindi rin daw nagbabanta si PBBM sa iba at wala raw itong kilalang kahit sinomang assassin o mamamatay-tao.  

“Hindi po siya ang Pangulo o isang liderato na naninira at nagbabanta sa buhay. Pinapahalagahan niya ang buhay ng bawat Pilipino at wala po siyang kilalang assassin,” patutsada niya. 

Dagdag pa niya, “Hindi rin po niya kinukunsinti ang fake news. So marami po silang pagkakaiba.” 

Diin pa ni Castro, higit sa lahat daw ay pinapanagot ng Pangulo ang mga kailangang managot na mga indibidwal na sangkot sa maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH). 

“Pinapanagot ang dapat managot. Lalong lalo na ‘yong patungkol sa ghost projects at sa flood control mess na hindi nangyari noong nakaraang administrasyon,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon si VP Sara kaugnay rito. 

KAUGNAY NA BALITA: Usec. Castro, dumepensa sa lumubog na -15 satisfaction rating ng Pangulo