Nagbigay ng reaksiyon ang Malacañáng kaugnay sa pahayag ni Davao City First District Rep. Paolo “Pulong” Duterte laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Matatandaang sinabi ni Duterte na hindi umano mananalo si Marcos, Jr. noong 2022 elections kung hindi nito kasama ang kapatid niyang si Vice President Sara Duterte.
“History will always show that your victory was built not on the Marcos name, but on the trust and support commanded by Vice President Sara Duterte,” dugtong pa ni Duterte.
Kaya nagtataka umano ang kongresista kung bakit tila pinalalabas ng Pangulo na ito lang ang may ambag sa mandatong ibinigay ng taumbayan.
Ngunit sa ginanap na press briefing nitong Lunes, Hunyo 1, sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na “Uniteam” umano ang dalawa.
Aniya, “Hindi mo pwedeng sabihin na ito ay dahil lamang kay Pangulong Marcos, Jr. o dahil lamang kay Bise Presidente. Uniteam. Ibig sabihin, nagkaisa sila.”
“Ngayon,” pagpapatuloy ni Castro, “bakit ibinibigay lang sa Pangulo ang mandato? E, pangulo po siya, e. Pangalawa, sino po ba ang nagtatrabaho at sino ba ang nagbabakasyon? Sino ang tuloy-tuloy na nag-aaruga sa ating mga kababayan? At sino rin ba 'yong tuloy-tuloy na wala sa bansa?”
Maki-Balita: Rep. Pulong umagree kay PBBM matapos sabihing hindi nagsisising maka-tandem si VP Sara
Matatandaang tila nagsimula ang lamat ng Pangulo at Bise Presidente noong magbitiw ang huli bilang chairperson at miyembro ng Lakas-CMD dahil umano sa “political toxicity” o “execrable political powerplay.”