Dead on arrival na nang naisugod sa ospital ang 28 taong gulang na nanay matapos siyang mahilo at mawalan nang malay habang nakapila sa ₱20 bigas sa Bukidnon.
Ayon sa mga ulat, maagang pumila ang ginang sa pag-asang makakakuha siya ng diskwentong bigas. Subalit, sa kalagitnaan ng pila ay bigla na lamang daw siyang bumulagta at nawalan nang malay.
Sinubukan pa siyang saklolohan at dinala sa pinakamalapit na ospital ngunit hindi na siya umabot nang buhay.
Batay sa death certificate ng ginang, problema sa puso ang kaniyang ikinasawi na humantong sa pagkaatake niya sa puso.
Samantala, nananawagan naman nang tulong ang kaniyang mga kaanak lalo pa’t apat na anak ang naulila ng biktima. Kuwento ng ina ng biktima, napilitang makipagsapalaran sa mahabang pila ang kaniyang anak dahil hirap na raw siyang mapagkasiya ang budget ng kanilang pamilya.
Bagama’t sakit sa puso ang lumabas sa death certificate ng biktima, nanindigan ang kaniyang mga kaanak na malaking dahilan ang paghihintay sa pila ng ₱20 bigas kung bakit inatake ang naturang ginang.
Mensahe ng kaniyang kaanak, ilipat na lang umano ang pamamahagi ng ₱20 bigas sa mga barangay upang mas maging madali ang pagbili rito at maiwasan pa ang anumang tragedya habang naghihintay sa pila.
Matatandaang noong Mayo 20 nang mapaulat naman na isang senior citizen naman ang nasawi rin habang nakapila sa ₱20 na bigas matapos siyang salpukin ng humaharurot na pick-up truck sa labas ng opisina ng Department of Agriculture - Bureau of Animal Industry (DA-BAI) sa Quezon City.
KAUGNAY NA BALITA: 73-anyos, patay sa gitna ng paghihintay para makabili ng murang bigas