Nagbigay ng pahayag ang aktor at Quezon City 5th District Councilor na si Alfred Vargas matapos ang naging desisyon ng piskalya kaugnay ng reklamong inihain ng kanilang pamilya tungkol sa umano’y paulit-ulit na pambubully sa kaniyang anak, laban kay Rob Sy, magulang ng anak na inirereklamo nila.
Matatandaang ibinasura ng Manila Prosecution Office ang reklamo nila laban sa umano'y pambu-bully ng anak ni Rob Sy sa kanilang anak.
Sinabi ni Vargas na bagama’t hindi pa nila natatanggap ang opisyal na kopya ng desisyon, nananatili ang kanilang paggalang sa batas at sa proseso ng hustisya.
“We have been informed about the decision of the prosecutor. While we have yet to receive the official decision, we say with certainty that we respect the law and due process and we will continue to do so regardless of the outcome.”
Gayunman, iginiit niya na hindi pa rito nagtatapos ang kanilang paghahanap ng hustisya para sa kanilang anak.
“In the same light, due process allows us to seek legal remedies. We will exert all available legal avenues to pursue justice for our child. Hindi pa po dito nagtatapos ang laban.”
Matatandaang sa naunang pahayag ni Vargas, ikinuwento niya ang matinding epekto ng umano’y bullying sa kaniyang pitong taong gulang na anak at ang pangamba nilang pamilya matapos ang naging desisyon sa kaso.
Ayon sa kaniya, nakaranas umano ng trauma, kahihiyan, at paulit-ulit na pananakit ang bata, dahilan upang manawagan siya ng mas matinding pagkilos laban sa bullying.
Sa kabila ng mga pagsubok, sinabi ni Vargas na patuloy silang kumakapit sa suporta ng publiko at ng mga taong nagpaabot ng dasal at pakikiisa sa kanilang pamilya.
“Thank you for all your prayers.”
Kasabay nito, muling iginiit ng dating mambabatas ang kaniyang paninindigan laban sa bullying at tiniyak na ipagpapatuloy nila ang lahat ng legal na hakbang upang maipaglaban ang karapatan at kapakanan ng kanilang anak.
Patuloy namang umaani ng suporta sa social media ang kampanyang #NoToBullying, kung saan maraming netizens ang nagpahayag ng pakikiisa sa panawagan para sa mas ligtas na kapaligiran para sa mga bata.
Maki-Balita: 'Parang gumuho mundo ko!' Alfred Vargas, nanlumo nang mabasura inihaing kaso vs nambully sa anak