Isiniwalat ng beteranong radio broadcaster at kolumnistang si Ramon Tulfo na sinusubukan umanong maging Special Envoy on Transnational Crimes (SETC) si dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV.
Sa pagpapakahulugan ng Korte Suprema, tungkulin ng Special Envoy on Transnational Crime (SETC) na tumayo bilang primaryang adviser ng Pangulo at maging representatibo sa mga internasyonal na criminal issues.
Kaugnay sa International Criminal Court (ICC), matatandaang si noong SETC Markus Lacanilao ang nakasama ni dating Pangulong Rodrigo Duterte papunta sa The Hague, Netherlands, noong Marso 2025 kaugnay sa kinakaharap na kaso ng huli sa crimes against humanity sa naganap noon na madugong giyera kontra droga.
Noong Mayo 11, 2026, isa naman si Trillanes, kasama ang ilang mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI), sa masugid na nagtangkang tumugis kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa upang isilbi ang opisyal na inisyung warrant of arrest ng ICC laban sa senador.
Sa naging pagsisiwalat naman ni Tulfo sa kaniyang Facebook post nitong Sabado, Mayo 30, hayagan niyang pinuga sa publiko na tinutulak daw si Trillanes na tumayo bilang SETC.
“Pinu-push si Antonio Trillanes na maging Special Envoy for Transnational Crimes, ayon sa aking tweety,” pagsisimula ni Tulfo sa caption.
Screenshot mula sa FB post ni Tulfo.
Pagpapatuloy ni Tulfo, pinag-iisipan pa lang daw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang naturang usapin.
“Pinag-iisipan daw ito ni President BBM,” pagtatapos ng beteranong broadcaster.
Samantala, kasalukuyan nang humihingi ng pahayag mula kay Trillanes ang Balita habang sinusulat ito.
KAUGNAY NA BALITA: 'Iba 'yong utos, iba ‘yong hamon!' Trillanes sumagot kay Sen. Marcoleta tungkol sa pagkain ng ebak