Kabilang sa mga narekober na bangkay mula sa gumuhong gusali sa Balibago, Angeles City, Pampanga, ang isang 51-anyos na construction worker at anak niyang 26-anyos, ayon sa update ng Angeles City local government unit (LGU), ngayong Biyernes, Mayo 29.
Sa kasalukuyan, anim na ang kumpirmadong mga nasawi mula sa pagguho, ayon sa Philippine Red Cross (PRC).
Bukod dito, 14 ang nananatiling nawawala at hinahanap, habang 27 naman ang matagumpay nang nailigtas.
Tiniyak ng Angeles City LGU na nananatiling nakaantabay ang iba’t ibang opisina at ahensya sa kanilang lungsod upang matiyak ang mabilis na search, rescue, and retrieval operations sa pagguho.
Saad pa ng LGU, isinasagawa nila nang maayos ang proseso ng identification at turnover ng mga labi sa kanilang pamilya upang mapanatili ang kanilang dignidad sa kabila ng trahedyang sinapit.
Samantala, humihiling ng panalangin at suporta si Angeles City Mayo Jon Lazatin para sa lahat ng responders at personnel na nasa operasyon.
Matatandaang naganap ang pagguho noong madaling araw ng Linggo, Mayo 24.
MAKI-BALITA: 9-storey building sa Pampanga, gumuho; ‘rescue and retrieval,’ masusing isinasagawa