Umani ng reaksiyon online si dating ABS-CBN News Channel (ANC) news anchor Christian Esguerra matapos siyang maging panauhin sa programang YSpeak 2.0 ng Kapamilya Network.
Sa naturang programa na pinangungunahan nina Elijah Canlas at Robbie Jaworski, sumalang si Christian sa segment na “YSpeak Your Mind,” kung saan ipinakita sa kaniya ang mga larawan ng iba’t ibang personalidad sa politika at kinakailangan niyang magbigay ng isang salitang maiuugnay sa mga ito.
Unang ipinakita ang larawan ni Jesus Crispin "Boying" Remulla. Bagama’t tila nag-isip muna si Christian, sinabi niyang tila nasa “character arc” umano ito dahil papunta na raw sa “good side.”
Nang ipakita naman ang larawan ni Claire Castro, agad niyang iniugnay rito ang salitang “madaldal.”
Para naman kay dating senador na si Antonio "Sonny" Trillanes IV, ang salitang ginamit niya ay “matapang.”
Nang lumabas naman ang larawan ni Rodante Marcoleta, na isa sa mga personalidad na naging kontrobersiyal kaugnay ng franchise renewal ng ABS-CBN, walang pag-aalinlangang sinabi ni Christian ang salitang “Tsinador.”
Ang “Tsinador” ay isang salitang ginagamit ng ilan upang tukuyin ang mga opisyal na pinaniniwalaang may pagkiling o suporta sa China.
Samantala, “promising” naman ang naging paglalarawan niya kay Vico Sotto, habang “decent” ang naging paglalarawan niya kay Risa Hontiveros.
Kapansin-pansin naman ang naging reaksiyon ni Christian nang ipakita ang larawan ni Ronald "Bato" Dela Rosa. Habang nakangiti at tila napapaisip, humirit pa siya kung maaari raw ba niyang dagdagan ang kaniyang sagot.
“Bakit at paano naging senador ’to?” diretsahang saad ni Christian, sabay dagdag na “Nagtatago eh.”
Kasunod nito ay ipinakita naman ang larawan ni Jay Tarriela, na kaniyang inilarawan bilang “consistent.”
Hindi rin nagpigil si Christian nang larawan naman ni Robin Padilla ang ipakita. Katulad ng kaniyang naging sagot kay Senador Bato, sinabi rin niyang, “Bakit at paano naging senador?”
Maki-Balita: Christian Esguerra kina Sen. Bato, Sen. Robin: 'Bakit at paano naging senador 'to?'
Pinakahuli namang ipinakita ang larawan ni Sara Duterte. Bago sumagot, tila humingi muna si Christian ng ilang segundo habang naririnig ang reaksiyon at kantyawan ng audience sa studio.
Kalaunan ay sinabi niya ang salitang “evil,” na agad namang sinabayan ng malakas na palakpakan mula sa live audience.
Maki-Balita: Christian Esguerra, walang preno; tinawag na 'evil' si VP Sara!
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na reaksiyon o pahayag ang mga personalidad na nabanggit hinggil sa mga naging komento ni Christian sa programa.