Usap-usapan si dating ABS-CBN News Channel (ANC) news anchor-journalist Christian Esguerra dahil sa programang "YSpeak 2.0." na mapapanood sa Kapamilya Network.
Si Christian kasi ang nagsilbing guest para sa nabanggit na programa, kung saan, pinakitaan siya ng hosts nitong sina Elijah Canlas at Robbie Jaworski ng larawan ng political figures, at magbibigay lang siya ng "word association" sa kanila.
Ang nabanggit na segment ay may pamagat na "YSpeak Your Mind."
Kailangan lang niyang magsabi ng isang salitang maikokonekta niya sa nabanggit na mga personalidad.
Unang ipinakita si Ombudsman Jesus Crispin "Boying" Remulla, at medyo natagalan si Christian magbanggit ng salita. Pero sa huli, sinabi niyang parang sa "character arc" dahil medyo papunta na raw siya sa good side.
Sunod naman, larawan ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang ipinakita sa kaniya, at ang salitang sinambit ng mamamahayag ay "madaldal."
Sumunod, ipinakita nila ang larawan ni dating Sen. Antonio "Sonny" Trillanes IV, at ang salitang in-associate niya ay "matapang."
Ipinakita naman nila ang larawan ni Sen. Rodante Marcoleta, na kung matatandaan, ay isa sa mga nagsulong na hindi ma-push ang franchise renewal ng Kapamilya Network. Walang takot na "Tsinador" ang sinabi ni Christian.
Word coinage ang "Tsinador" sa mga senador na umano'y nagpapakita ng suporta sa China o Tsina.
Para naman kay Pasig City Mayor Vico Sotto, "promising" ang salitang ikinapit niya.
Sumunod, "Decent" naman ang salitang iniugnay niya kay Sen. Risa Hontiveros.
Maya-maya, ipinakita na ang larawan ng kontrobersiyal na senador na si Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa.
Kapansin-pansing napaisip habang nakangiti si Christian at nagbulungan naman ang live audience.
"Bakit?" sagot ni Christian. "Puwede ko bang dagdagan? Puwede bang ipaliwanag ko nang kaunti?" sundot pa ng mamamahayag.
"Bakit at paano naging senador 'to?" matapang na saad ni Christian. "Nagtatago eh."
Sunod namang ipinakita ang larawan ni Philippine Coast Guard (PCG) Officer Jay Tarriela, at sabi ni Christian ay "Consistent."
Nang ipinakita naman ang larawan ni Sen. Robin Padilla, kagaya rin ng sagot niya kay Sen. Bato na "Bakit at paano naging senador."
Pinakahuli sa listahan, ipinakita nga ang larawan ni VP Sara.
Sa pagkakataong ito, tila sumenyas si Christian na bigyan siya ng ilang segundo bago sabihin ang sagot niya. Maririnig naman ang bulungan at kantyawan ng live studio audience.
Pero hindi rin nagpapigil si Christian.
"Evil," aniya.
Ipinakita naman ang palakpakan ng studio audience sa salitang sinabi niya.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang mga personalidad na nabanggit kay Christian.
Maki-Balita: Christian Esguerra, walang preno; tinawag na 'evil' si VP Sara!