May 22, 2026

Home BALITA National

Mga magsasakang bumiyahe pa-Maynila, apektado sa kanselasyon ng committee hearing dahil sa Senate coup!

Mga magsasakang bumiyahe pa-Maynila, apektado sa kanselasyon ng committee hearing dahil sa Senate coup!
Photo courtesy: MB File photo

Nauwi sa wala ang committee hearing para sana sa mga magsasaka matapos itong kanselahin nang walang abiso kasunod ng pagbabago sa liderato ng Senado noong Lunes, Mayo 11, 2026.

Ang pagdinig, na inorganisa ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, ay nakatakdang talakayin ang mataas na presyo ng pataba, sirang mga kalsada, kakulangan ng cold storage facilities, mababang presyo ng bili ng mga trader sa ani, pagdagsa ng imported na gulay, epekto ng climate change at El Niño, at mataas na gastos sa transportasyon.

Ayon kay chef at farmer advocate na si Waya Araos-Wijangco, naghanda ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang komunidad ng magsasaka upang ihayag ang kanilang mga suliranin sa pagdinig.

Ilan sa mga magsasaka ang nag-ayos umano ng kanilang iskedyul sa gitna ng panahon ng pagtatanim at pag-aani, naghanap ng magbabantay sa kanilang mga anak at sakahan, bumili ng tiket sa bus, at bumiyahe pa-Maynila upang makadalo sa pagdinig.

Gayunman, pinauwi lamang sila noong Lunes ng hapon matapos mapatalsik si Sen. Tito Sotto III bilang Senate president at italaga si Sen. Alan Peter Cayetano sa puwesto. 

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

Dahil sa naturang pagbabago sa liderato, idineklarang bakante ang lahat ng posisyon sa Senado, kabilang ang mga chairmanship ng mga komite.

Kalaunan ay hindi natuloy ang pagdinig ng agriculture committee matapos pansamantalang mawalan ng chairman ang komite.

Humingi naman ng paumanhin si Sen. Kiko Pangilinan, na dating namumuno sa komite, at sinabi nitong direktang resulta ng reorganisasyon ang pagkansela ng pagdinig.

Inilarawan ni Pangilinan ang nangyari bilang isang “temporary setback” at tiniyak na ipagpapatuloy niya ang pagsusulong ng kapakanan ng mga magsasaka at mangingisda kahit hindi niya mapanatili ang pamumuno sa komite matapos ang pagbabago sa Senado.

KAUGNAY NA BALITA: 'Para sa bayan, walang bibitiw, tuloy lang!' Sen. Kiko, sinabing 'temporary setback' lang nangyari sa Senado