Binanatan ng aktres at dating Pinoy Big Brother (PBB) housemate na si Vivoree Esclito ang apat na babaeng senador na sina Sen. Loren Legarda, Sen. Camille Villar, Sen. Pia Cayetano, at Sen. Imee Marcos.
Ito ay matapos magpalit ng liderato ang Mataas na Kapulungan noong Lunes, Mayo 11.
Sa Instagram story ni Vivoree noong Martes, Mayo 12, ibinahagi niya ang larawan ng apat na babaeng senador habang nanumpa si Sen. Loren bilang bagong luklok na Senate President Pro Tempore.
“I am all for empowering women, but not when these are the women in power. Nakakahiya kayo,” saad ni Vivoree sa text caption.
Matatandaang dating miyembro ng majority bloc sa Senado si Sen. Loren sa ilalim ng pamumuno ni noo’y Senate President Tito Sotto.
Ngunit nang maikasa ang kudeta sa Mataas na Kapulungan, lumipat sa kabilang bakod si Sen. Loren at inihalal na bagong Senate President si Sen. Alan Peter Cayetano.
Kaya sa panayam ng DZMM nitong Martes, Mayo 12, sinabi ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na dama raw niya ang himutok ni Sotto sa ginawa ni Legarda.
“Posibleng hindi lang ma-express ni Sen. Sotto 'yong ini-express ko ngayon, pero I can feel him na gano'n ang kaniyang sentimyento kasi mas close sila ni Sen. Loren kaysa sa amin. Talagang very close,” saad ni Sen. Ping.
Dagdag pa niya, “Hindi ko inaalis na bumoto siya sa kabila. Ang sa akin lang, ang sentimyento lang, sana nakapagpasabi muna bago siya bumoto. Hindi 'yong nabulaga kami na nawala siya sa amin.”
Samantala, sa isang pormal na pahayag, sinabi ni Sen. Loren na ibibigay niya ang buong suporta sa bagong luklok na Senate President gayundin sa majority at minority bloc.
“Let us communicate openly, combine our collective wisdom, and protect the integrity of this institution,” dugtong pa niya.
Nilinaw naman ni Sen. Ping na hindi umano isyu sa kaniya na si Sen. Loren ang humalili sa kaniya bilang Senate President Pro Tempore, na posisyong pinamumunuan niya noon bago magpalit-liderato.
Maki-Balita: Lacson, nabulaga sa paglipat ni Legarda: ‘Sana nakapagpasabi muna!’