Mariing pinabulaanan ni Sen. Erwin Tulfo ang mga kumalat na balitang may nag-aambang kudeta o pagpapalit ng liderato sa Senado sanhi umano ng posibilidad na umakyat dito ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Nakatakda ngayong Lunes, Mayo 11, 2026, na ganapin ang botohan sa plenaryo ng House Committee on Justice kaugnay sa impeachment laban kay VP Sara.
Sa House plenary, kinakailangang makakuha ng one-third na boto mula sa mga kongresista ang naturang impeachment case laban sa Bise bago ito tuluyang umakyat sa Senado.
Ayon naman sa naging pahayag ni Tulfo sa panayam sa kaniya ng media nito ring Lunes, sinabi niyang personal daw niyang tinanong sina Sen. Loren Legarda at Senate President Vicente “Tito” Sotto III at wala naman daw siyang nakumpirmang nakaambang pagpapalit ng liderato mula sa mga nabanggit.
“Wala naman. Tinanong ko si Sen. Loren, wala. Tinanong ko si SP [Sotto], wala. Ang sabi lang and media lang nagsabi no’n,” pagsisimula niya.
Ani Tulfo, hindi naman daw kailangang magpalit ng liderato sa Senado dahil nakakahiya naman daw na gagawin nila ito dulot lang ng pagtaas ng impeachment case laban kay VP Sara sa higher chamber ng Kongreso.
“Hindi. Kasi nakakahiya naman. Dahil sa impeachment lang, papalitan ‘yong liderato?” kuwestiyon niya.
Diin ni Tulfo, dapat daw na hindi ginagawang politikal ang impeachment case laban sa Bise Presidente.
“Dapat po ‘yong impeachment na ‘yan, hindi dapat politikal ‘yan,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, hindi pa naman nagsisimula ang nakatakdang plenaryo ng Kamara para pagbotohan ang impeachment case laban kay VP Sara.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin sa impeachment: 'Wag kaming gawin panakip sa pulitika n'yong bulok!'