May 22, 2026

Home BALITA Probinsya

Mahigit 60 pamilya na nakatira malapit sa venue ng ASEAN Summit, inilipat sa resort!

Mahigit 60 pamilya na nakatira malapit sa venue ng ASEAN Summit, inilipat sa resort!
Photo courtesy: Contributed photo

Pansamantalang inilipat sa isang resort sa Cordova, Cebu ang mahigit 60 pamilya na nakatira malapit sa Mactan Expo sa Lapu-Lapu City bilang bahagi ng seguridad at paghahanda para sa idaraos na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit ngayong Mayo.

Ayon sa lokal na pamahalaan, sakop ng security perimeter ng venue ang lugar na tinitirhan ng mga residente kaya kinakailangan silang ilipat habang isinasagawa ang mga aktibidad para sa pagtitipon ng mga lider mula sa iba’t ibang bansang kasapi ng ASEAN.

Sinabi ni Lapu-Lapu City Mayor Cindi King Chan na maayos umano ang kalagayan ng mga pamilyang pansamantalang nanunuluyan sa resort.

“I visited them last Saturday and they had a family day so we are taking good care of them and they have different activities lined up per day. They have livelihood trainings, they also have a wellness day… so far, happy naman po sila,” pahayag ni Chan sa media.

Dagdag pa ng alkalde, may inihandang iba’t ibang aktibidad at programa para sa mga inilikas na residente habang nananatili sila sa resort.

Probinsya

Lalaking tinakbuhan mga nanggugulpi sa kaniya, patay matapos bumangga sa poste!

Gayunman, umani ng reaksiyon sa social media ang naturang hakbang matapos kuwestiyunin ng ilang netizen kung bakit kailangang ilipat ang mga residente sa panahon ng international summit. May ilan ding nagsabing tila “anti-poor” umano ang naging hakbang ng mga awtoridad.

Samantala, nagsisimula nang dumating sa Cebu ang mga delegado mula sa iba’t ibang bansang miyembro ng ASEAN para sa mga high-level meeting na nakatakdang idaos simula ngayong araw, Huwebes,  Mayo 7 hanggang Biyernes, Mayo 8.

Bago nito, matatandaang nauna na ring maging usap-usapan sa social media ang inilagay na tarpaulin ng ASEAN Summit sa isang tulay sa Cebu na tila tinakpan lamang daw ang mga informal settlers na nakatira sa naturang tulay.

Bunsod nito, may ilang sektor ang bumatikos sa hakbang, na anila’y tila pagtatago sa tunay na kalagayan ng kahirapan sa lugar sa halip na agarang tugunan ang problema. 

KAUGNAY NA BALITA: Ikinabit na tarpaulin sa Cebu, binatikos; panakip daw sa informal settlers?