Hot topic sa social media ang kamakailang patutsadahan ng Kapuso actress na si Inah De Belen at social media personality Rosemarie Tan Pamulaklakin o “Rosmar Tan.
Nagsimula ito nang magkomento ang isang netizen sa Instagram post ni Inah, kung saan makikita ang larawan nila ng partner na si Jake Vargas sa Flores De Mayo sa Barangay Maysantol, Bulacan.
"Sorry po ha,, nagtataka ako bkt nanjan si jake vargaz,, akala ko talaga si rosmar kung dko nbasa pangalan nag 2 tingin pa ako ang mag jowa pala talaga,, ang ganda mo pati ng damit mo," saad ng netizen.
Diretsahan namang nag-reply si Inah sa nasabing komento upang tanungin sino si Rosmar dahil hindi raw niya ito kilala.
Dinugdutungan pa niya ang kaniyang reply at sinabing, “Naresearch ko na siya plssss don’t associate me with her ew.”
Kaya si Rosmar, agad namang rumesbak at sinabihang bagama’t aktres si Inah, hindi naman daw niya ito kilala at mas maraming beses pa raw siyang lumabas sa TV kaysa rito.
"Kung maka 'ew' ka naman sakin at di nya daw ako kilala. Nahiya naman ako sayo filipina actress nakalagay pero di din naman kita kilala. Mas maraming beses pa ata ako lumabas sa tv kesa sayo ante. Kung maka ew wagas inaano ka?" ani Rosmar.
Bukod sa pag-ulan ng samu’t saring komento sa tila bardagulan ng dalawa, ipinaliwanag naman ng ibang netizens na ang “ew” na binanggit ni Inah ay isang acronym para sa katagang “either way.”
MAKI-BALITA: Rosmar, binanatan si Inah De Belen: 'Starlet na di pa nga sikat attitude na agad. Pwe!!'
Dahil dito, ano nga ba ang “EW” at paano ito ginagamit sa social media?
Taliwas sa nakasanayang kahulugan ng ekspresyong “EW” bilang mariing pagtutol o pandidiri, ang “EW” ay posible na ring mangahulugang “either way” na ayon sa maraming Gen Zs online, ay isang casual na paraan upang ipagsawalang-bahala ang isang usapan nang walang intensyon na mang-insulto.
Dahil hindi masyadong makikita na ginagamit sa social media, marami pa rin ang hindi nakakaalam ng acronym na ito at minsa’y nagdudulot ng hindi pagkakaintindihan sa mga pag-uusap lalo na kung sa online lamang.
Sa pormal na paraan, ang “‘either way” ay isang parilalang ginagamit sa pagitan ng dalawang desisyon, aksyon, o resulta na pagpipilian ng isang tao.
Ilan pa sa slangs na ginagamit ng Gen Zs sa kanilang pagpapahayag ang mga salitang, “cap” na nangangahulugang kasinungalingan ang isang bagay; “no cap,” na nangangahulugang totoo ang sinasabi; at “cancelled” na nangangahulugang ang isang tao o bagay ay hindi na bibigyang suporta.