Ipinagmalaki ni Philippine National Police (PNP) Chief Jose Melencio Nartatez, Jr., ang pagbaba raw ng focus crime rate sa bansa, bunsod na rin umano ng implementasyon ng safer cities initiatives.
Sa panayam ng media kay Nartatez nitong Lunes, Mayo 4, 2026, iginiit niyang nasa 30% ang ibinaba ng kriminalidad sa bansa mula Enero hanggang Abril 2026, kumpara sa kaparehong mga buwan noong 2024-2025.
"Last two years ago, that is the election period of 2025 as well as the period of 2024, 'yan yung January, February, March, April, ay malaki ang binawas," saad ni Nartatez.
Dagdag pa niya, "But there are focus crimes na masasabi naman natin tumaas. But the point here is generally, all of the focus crimes, kapag pinagsama-sama mo, and that is the picture of our crime situation, kapag pinag-compare mo, it is 30% compared to 2024 and 2025."
Ang focus crime ay ang mga mabibigat na krimen na kinabibilangan ng murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft at carnapping.
Noong Abril 16, nauna nang inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla ang pagbaba pa rin ng krimen sa bansa dahil sa safe cities initiatives na kanilang inilunsad sa unang linggo ng Abril.
“Yung shoplifting, homicide, murder—lahat bumagsak siya significantly dahil dahil nga wala—mga shoplifting na wala ‘yan dahil nga dito sa mas konting tao sa kalye. Ang rape bumaba rin,” saad ni Remulla.
KAUGNAY NA BALITA: Crime rate sa bansa, bumaba ng 30% dahil sa safer city initiatives—SILG Remulla
Kabilang sa mga ipinatutupad na hakbang sa ilalim ng programa ang mas mahigpit na ordinansa ng mga lokal na pamahalaan, gaya ng curfew para sa mga menor de edad, pagbabawal sa pag-inom ng alak sa pampublikong lugar, at regulasyon laban sa paglalakad nang walang suot na pang-itaas at paggamit ng videoke sa dis-oras ng gabi.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mga ikinasang pagbabawal ng DILG sa mga lansangan at lokalidad