Muling kinumbinse ni Unkabogable Star Vice Ganda si dating Vice President at kasalukuyang Naga City Mayor Leni Robredo na ikonsiderang kumandidato sa pagkapangulo sa darating na 2028 presidential elections.
Sa naganap na Naga City Tourism Brand Launching event sa Naga City nitong Mayo 1, kung saan naimbitahan si Vice Ganda, personal na hinimok ni Vice Ganda si Mayor Leni habang pareho silang nasa entablado.
"Para mo nang awa," saad ni Vice Ganda habang maririnig ang hiyawan ng mga dumalo sa event.
"Lahat ng panawagan n'yo sa amin, diringgin namin. Sana dinggin mo rin ang panawagan namin!" saad ni Vice Ganda, na umani naman ng pagsang-ayon at hiyawan mula sa audience.
Natawa naman si Mayor Leni at yumakap nang bahagya kay Vice Ganda.
Maririnig din ang pangunguna ni Vice Ganda sa pagsigaw ng "Leni! Leni! Leni!" sa mga madlang people.
Ipinagdiinan naman ni Vice Ganda na ang alkalde ang "hope" na nakikita nila para sa bansa.
Matatandaang sa kabila ng paghimok ng mga celebrity at ilang politikong tumakbo ulit siya sa pagkapangulo, sinabi ni Robredo na wala siyang balak iwanan ang Naga City at muling kumandidato sa national elections.
Matatandaang si Robredo ay natalo sa nagdaang 2022 national elections. Si Vice Ganda naman ay isa sa masugid na Kakampink celebrities na nag-endorso sa kaniya.
Maki-Balita: Final na! Leni Robredo, ‘di tatakbo sa national position sa 2028