Nilinaw ng Malacañang na huwag daw mawalan ng pag-asa ang ilang mga barangay na hindi nabigyan ng ayudang ₱200,000 sa probinsya ng Batangas.
Matatandaang isiniwalat ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste noong Abril 24, 2026, na hindi umano nabigyan ng ayudang ₱200,000 ang ilang mga barangay sa Batangas dahil sa pagtatampo umano ni Governor Vilma Santos-Recto.
Aniya, aabot daw sa 84 na mga barangay sa Batangas ang hindi nakasama sa nabigyan ng ₱200,000 dahil sa pagpigil ng ilang mga politiko.
KAUGNAY NA BALITA: Gov. Vilma Santos nagtampo, ‘di binigyan ng ₱200K ilang barangay sa Batangas—Rep. Leviste
Ayon naman sa isinagawang press briefing ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro nitong Lunes, Abril 27, sinabi niyang nakarating sa kanila ang naturang balitang isinapubliko ni Leviste.
Depensa niya, may mga barangay daw kasing hindi nakumpleto ang kinakailangan nilang dokumento upang makatanggap ng nasabing ayuda.
“Sa ating pagkakaalam at sinabi sa atin, may mga barangays daw na hindi kinumpleto ang mga documents. At hindi po maaaring mabigyan agad-agad ng ayuda kapag walang dokumento dahil magiging subject ito sa COA report,” pagsisimula niya.
Ani Castro, huwag daw mawalan ng pag-asa ang mga barangay na hindi naambunan sa Batangas dahil layunin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na mabigyan ang lahat ng mga bayan at barangay.
“So ‘yong mga barangays na hindi nakapagsumite, hindi pinagsumite, pinilit na huwag magsumite ng dokumento, huwag po silang mawalan ng pag-asa,” diin niya.
Dagdag pa niya, “Dahil ang sabi ng Pangulo, ‘Bawat bayan makikinabang, bawat barangay makikinabang, walang pinipiling kulay dito. Lahat po kayo ay mabibigyan ng ayuda.’”
Pagpapatuloy niya, huwag daw sanang hayaan ng ilang mga barangay na madala sila ng pamumulitika ng ilang mga politiko dahil ang lahat daw ay tiyak na makakatanggap ng ayuda.
“Kung meron po kayong kinakailangang mga dokumentong makumpleto, ikumpleto n’yo po at huwag po kayong magpadala sa politika,” ‘ika niya.
“Lahat po kayo makakatanggap ayuda,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa rin namang inilalabas na pahayag, reaksyon, o tugon si Governor Vilma kaugnay sa naisiwalat ni Leviste tungkol sa kaniya.