Naaresto na ng mga awtoridad ang viral na kawatang nahulicam na nag-sign of the cross pa bago siya mangholdap sa Rizal.
Noong Abril 18 isinagawa ng suspek ang pambibiktima sa isang Indian national. Batay sa CCTV sa lugar, nakuhanan na tila nagdasal pa ang suspek bago nagtago sa isang eskinita habang hinihintay ang target.
Nang dumaan na ang biktima, doon na umatake ang suspek dala ang isang kutsilyo. Nalimas ng suspek ang ₱5,000 mula sa biktima.
KAUGNAY NA BALITA: Holdaper, nagdasal muna bago nandekwat
Ayon sa pulisya, napag-alamang minsan nang nakulong ang suspek dahil sa insidente naman ng pagnanakaw ng pinto.
Samantala, sa panayam ng media sa suspek, inamin niyang matagal na rin daw siyang gumagamit ng ilegal na droga. Paglilinaw pa niya, user lang daw siya hindi nagtutulak ng mga ito.
Humingi rin ng tawad ang suspek sa biktima at iginiit na natukso lang daw siya dahil sa pag-udyok ng kaniyang kaibigan.
Hindi na nagsampa ng kaso ang biktima habang nasa kustodiya pa rin ng mga awtoridad ang suspek.