Binasag na ni Bulacan Gov. Daniel Fernando ang kaniyang katahimikan hinggil sa isyu ng umano'y naganap na road rage sa North Luzon Expressway (NLEX) sa pagitan umano nila ng isa sa mga presidential son na si Vinny Marcos.
Nauntag ni GMA News journalist at Unang Hirit host Susan Enriquez, sa "Kay Susan Tayo" vlogs, ang gobernador patungkol sa nabanggit na isyu.
Kung babalikan, matatandaang naging usap-usapan ang social media post ng broadcaster na si Ramon “Mon” Tulfo matapos isiwalat ang tungkol umano’y nangyaring insidente sa pagitan ng bunsong anak ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at ni Fernando.
Ani Tulfo, umano'y hinarass daw ng convoy ni Fernando ang bunsong anak nina PBBM at First Lady Liza Araneta-Marcos na si Vinny habang nasa NLEX noong gabi ng Pebrero 21, 2026.
Dahil dito, ipinatawag umano si Fernando ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla sa Camp Crame, at nagkaroon umano ng pisikalang komprontasyon sa pagitan ng dalawa.
Ayon naman sa naging pahayag ni Remulla sa pagdalo niya sa Kapihan sa Manila Bay noong Marso 4, 2026, sinabi niyang pinabulaanan na raw ni Fernando ang usaping ito at sumasang-ayon siya rito.
“Fernando already denied it happened and I will concur with him,” pagsisimula niya.
Ani Remulla, tanungin na lang daw ng media at publiko si Tulfo dahil ito naman daw ang nagpakalat ng ganoong klaseng kuwento.
“You have to ask him [Ramon Tulfo]. Siya naman nagsabi noon, hindi ako. But we stand by what Daniel said,” aniya.
Dagdag pa niya, “Wala na ‘yon. I met Ramon maybe twice in my life, okay na ‘yon… si Tulfo. Siya ang nagkakalat, e.”
Pagpapatuloy ni Remulla, tapos at wala na raw talaga ang usaping iyon at pinagsabihan niya lang daw ito noon na huwag maghari-harian sa kalye dahil hindi niya rin naman daw ito ginawa noong gobernador pa siya sa Cavite.
“As long as Daniel said and I say na wala, wala talaga ‘yon. Tapos na ‘yun. Pinagsabihan ko lang, ‘huwag ka naman makahari kasi matagal akong naging governor, hindi ko naman hinaharang ang South super highway nang walang puwedeng mag-overtake.’ Siya, hinaharang niya talaga, e,” pagkukuwento niya.
Mabalik naman sa vlog ni Susan, tinanong niya ang gobernador kung ano nga ba ang totoo tungkol sa isyung hinabol at hinarang ng convoy niya ang sasakyan ng anak ng Pangulo.
"Ma'am, alam naman ng mga Bulakenyo 'yan, at nasabi ko na rin po yung reason ko na let the Malacañang... yung pahayag ng Malacañang, igalang natin, okay na yun. Basta, alam naman ng Bulacan kung sino si Daniel Fernando," aniya.
Pero nang ungkatin ni Susan kung may nangyari nga, umiwas na kumpirmahin o itanggi ito ng gobernador.
"Ma'am, huwag na natin pag-usapan," natatawang sabi niya.
Sa nabanggit na vlog, naurirat din ni Susan ang real score sa pagitan nila ng aktres na si Kim Rodriguez.
Maki-Balita: Gov. Daniel Fernando, nagsalita na; Kim Rodriguez, ano nga ba sa buhay niya?