May 22, 2026

Home BALITA National

Sen. JV, umapela kay Sen. Bato; kusang-loob na huwag tumanggap ng suweldo, allowances

Sen. JV, umapela kay Sen. Bato; kusang-loob na huwag tumanggap ng suweldo, allowances
Photo courtesy: JV Ejercito/FB, MB


Umapela si Sen. JV Ejercito kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na magkusa na umano itong huwag tanggapin ang kaniyang suweldo at allowances mula sa Senado, kaugnay sa naitala nitong 31 na pagliban sa mga sesyon ng 20th Congress.

Sa isang Facebook post na ibinahagi ni Sen. JV sa kaniyang verified account nitong Martes, Abril 21, sinabi pa niyang may pananagutan ang tulad nilang mambabatas sa publikong sineserbisyuhan nila.

“Umaapela tayo kay Sen. Bato Dela Rosa na kusang-loob na hindi muna tumanggap ng sweldo at allowances niya sa Senado,” saad ni Sen. JV sa kaniyang post.

Aniya, “As stated before, even by Senate President Sotto, the Senate has yet to establish rules that can compel attendance. Any formal action will take time, as it must go through amendments and proper deliberation.”

“Gaya ng mga ordinaryong Pilipinong ‘no work no pay,’ lalo’t higit ganoon din dapat ang mga lingkod-bayan. Public service is a public trust, we are all accountable to the people we serve,” giit pa ng mambabatas.

Matatandaang mula noong Nobyembre 2025, kahit anino ni Sen. Bato ay hindi pa rin lumilitaw sa publiko, matapos ang pagkakadawit nito sa umano’y warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC) hinggil sa “war on drugs” ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Base pa sa datos na ibinahagi ng Senado kamakailan, aabot lamang sa 27 araw ang nadaluhan ni Sen. Bato sa 58 na kabuuan.

Samakatuwid, hindi man lang nakalahati ni Dela Rosa ang pagdalo niya sa mga isinagawang sesyon ng Kongreso.

MAKI-BALITA: Sen. Bato Dela Rosa, numero unong puro absent sa Senado!