Naglabas ng sama ng loob ang isang ride hailing driver matapos ang ikatlong beses na pagkabigo niyang makakuha ng ayuda dahil wala sa listahan ang pangalan niya.
Sa panayam ng media kay Edwin Echalose nitong Lunes, Abril 20, 2026, ibinahagi niya ang pagkadismaya niya sa pagkawala pa rin ng pangalan niya sa listahan ng mga mabibigyan ng ayuda, bagama’t 2016 pa raw siya sa kaniyang trabaho.
“Palpak yung listahan nila, hindi ko alam kung saan nila kinukuha yung listahan,” saad ni Echalose.
Kuwento pa niya, “Tiningnan pa nila yung Grab app ko na talagang bumabyahe ako sa Grab. Noong nakita nila 'yon tsaka nila ako pinapasok dito.”
Tahasan ding iginiit ni Echalose na wala na raw siyang balak pang pumila sa ikaapat na beses na muli siyang pababalikin doon.
“Supposedly tatlong beses na, [aabutin pa ng] pang-apat na naman pala. Ay hindi! Ayoko na!” saad niya.
Dagdag pa niya, “First day ng bigayan, nandidito ako wala yung pangalan ko. 2016 nasa Grab na ako. Bakit ganun? Anong nangyari? Saan ba nila kinuha yung mga listahan. Baka kinuha lang kung saan-saan.”
May payo rin si Echalose sa mas mainam daw na pamamahagi ng ayuda para sa kanilang sektor.
“Dapat yung Grab app nila, yun na yun mismo. Kung anong app bumibyahe yung tao, yun na mismo ita-top up yung pera. Napakadali! or G-Cash, may G-Cash naman kami,” giit niya.
Hirit pa niya, “Hindi na kami pipila sa ganito na para kaming nagmamakaawa!”
Kaugnay ng online ayuda, matatandaang iginiit ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) spokesperson Irene Dumlao na pinag-aaralan na ng kanilang ahensya ang pamamahagi ng ayuda gamit ang mga e-wallets.
"Meron na tayong ginagawa na konsultasyon para sa adaption naman ng mga digital systems kasi nakikita naman natin yung value ng pag-adapt ng mga electronic wallets," ani Dumlao sa isang radio interview.
Saad pa ni Dumlao, “Especially sa panahon na ganito na mainit po yung panahon, ayaw talaga natin na pumipila rin yung ating mga vulnerable sectors.
KAUGNAY NA BALITA: Matapos may mamatay sa pila: Online payout sa ayuda, pinag-iisipan na ng DSWD