Pinabulaanan ni Manila City Mayor Isko Moreno ang alegasyong bumalimbing umano siya sa politika.
Sa programang “Vox Populi: Ang Boses ng Bayan” ng SMNI News kamakailan, inurirat ang tungkol sa tila pagpreno ni Moreno sa pagbanat kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
“Wala hong gano'n,” anang alkalde. “Aksyon-Demokratiko ho ako, e. At ang tinakbo ko po e mayor.”
Dagdag pa niya, “No'ng nagkalaban-laban kami sa pagkapresidente no'ng araw, may mga bagay na nasabi na. Bagama't 'yong mga nasabi, ang taumbayan ay nagpasya na. Talo ako, olats. 35 million voted for him [Marcos, Jr.].”
Giit ni Moreno, wala na raw siyang ambisyon pa sa pambansang posisyon.
Sa katunayan, ayon sa kaniya, sakali mang manalo bilang Pangulo sa 2028 ang isa kina Vice President Sara Duterte, Naga City Mayor Leni Robredo, o Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla at alkalde pa rin siya sa panahong ito, makikipagtulungan umano siya.
Aniya, “Makikipagtulungan pa rin ako. Kumbaga, generally, I will do the same whoever sits in Malacañang.”
Matatandaang kamakailan lang ay nagkasama sina Moreno at Marcos, Jr. sa ginanap na Biyayang Bigas para sa mga Manilyenyo.
Layunin ng programa na mabigyan ng rice subsidies ang mga manggagawa at bulnerableng pamilya ng nasabing lungsod.
Maki-Balita: Tumakbo na, nagbuhat pa! PBBM, ginawang barbell sako ng bigas