Nakahanda raw magpaabot ng kaukulang tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa motorcycle taxi rider na nasawi habang nakapila sa cash relief assistance sa Quezon Memorial Circle noong Sabado, Abril 18, 2026.
Ayon sa DSWD, agad nag-utos si DSWD Sec. Rex Gatchalian na makipag-ugnayan ang kanilang mga tauhan sa pamilya ng biktima. Ito ang kinumpirma ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao sa panayam sa kaniya ng isang radio news program nitong Linggo, Abril 19.
Ayon kay Dumlao, "We’ve heard of the unfortunate at nakakalungkot na incident yesterday and Sec. Rex immediately instructed a team to reach out to the family."
Dagdag pa niya, "Nakausap na namin ang anak at tutulungan namin sila magkaroon ng maayos na pagpapalibing sa tatay nila. All other assistance will be extended."
Iniutos din umano ni Gatchalian na sunduin ang pamilya ng nasawing rider mula sa kanilang probinsya at dalhin sa Metro Manila.
Personal din siyang nakipagkita ang pamilya sa ospita upang tiyakin ang agarang tulong ng ahensya.
Kabilang sa ibinigay na ayuda ng DSWD ang gastusin sa ospital, pagpapalibing, transportasyon ng mga kaanak, at tulong para sa patuloy na pag-aaral ng anak ng biktima.
Noong araw ng insidente, maraming motorcycle taxi at delivery riders ang pumila sa Quezon Memorial Circle upang kunin ang ₱5,000 cash assistance na ipinagkakaloob ng pamahalaan bilang tugon sa pagtaas ng presyo ng langis dulot ng sigalot sa pagitan ng Estados Unidos, Israel, at Iran.
KAUGNAY NA BALITA: Tahimik na naghihintay: Motor taxi rider na nakapila para sa ₱5k ayuda ng DSWD, patay!-Balita
Sa isang video na kumalat online, makikita ang mahabang pila ng mga rider sa paligid ng lugar, kung saan ang ilan ay gumagamit pa ng karton upang masalag ang init ng araw.
Hinimok naman ng DSWD ang mga benepisyaryo na personal na magtungo sa payout sites upang matanggap ang kanilang ayuda, habang pinag-aaralan na rin ng ahensya ang pagpapatupad ng digital distribution system sa mga susunod na programa.