Inihayag ng military command ng Iran nitong Sabado, Abril 18, na muli nitong isinailalim sa “mahigpit na pamamahala” ang Strait of Hormuz, ilang oras lamang matapos itong muling buksan sa komersyal na paglalayag.
Ayon sa ulat ng state media ng Iran at iba pang international news outlets, ibinalik sa dating estado ang kontrol sa kipot at muli itong nasa ilalim ng mahigpit na pamamahala ng sandatahang lakas ng bansa.
Itinuro ng Tehran ang patuloy na blockade ng Amerika sa mga pantalan ng Iran bilang dahilan ng panibagong hakbang.
Ang biglaang pagbabago sa polisiya ng Iran ay nagdulot ng panibagong pangamba sa pandaigdigang merkado at nagbigay-duda sa naging pahayag ni US President Donald Trump noong Biyernes, Abril 17, na “malapit na malapit” nang magkaroon ng kasunduang pangkapayapaan upang wakasan ang digmaan sa pagitan ng US-Israel at Iran.
Maki-Balita: 'The war in Iran should be ending pretty soon!'—Trump
Noon ding Biyernes, sinabi ng Iran na bukas na muli ang Strait of Hormuz matapos magkaroon ng ceasefire sa Lebanon upang mapatigil ang digmaan ng Israel laban sa Hezbollah.
Dahil dito, bumaba ang presyo ng langis at nagkaroon ng positibong reaksiyon sa pandaigdigang merkado.
Ngunit nanindigan si Trump na magpapatuloy ang naval blockade ng Amerika sa mga daungan ng Iran hanggang sa magkaroon ng pinal na kasunduang pangkapayapaan.
Bilang tugon, nagbabala ang Tehran na muli nitong isasara ang kipot.
Ang Strait of Hormuz ay isa sa pinakamahalagang rutang pandagat sa mundo dahil dito dumaraan ang tinatayang ikalimang bahagi ng suplay ng langis at liquefied natural gas sa buong mundo.
Maki-Balita: ALAMIN: Bakit mahalaga ang ‘Strait of Hormuz’ sa bentahan ng langis ng mga bansa?
Sa kabila ng tensyon, ilang barkong pangkalakalan ang naitalang dumaan sa kipot nitong Sabado.
Ayon sa maritime tracking sites, may ilang sasakyang-dagat na dumikit sa territorial waters ng Iran ayon sa tagubilin ng Tehran.
Ang ilan naman ay nagpakilalang mula sa India o China bilang tila pagpapakita ng kanilang pagiging neutral.
May ilang barko rin umano ang nagtangkang dumaan noong Biyernes ngunit biglang umatras dahil sa hindi malinaw na sitwasyon sa lugar.
Matatandaang inanunsyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) kamakailan na pinapayagan ng Iran na dumaan ang mga sasakyang-pandagat ng Pilipinas sa Strait of Hormuz.
Maki-Balita: Pinoy seafarers, mga sasakyang pandagat ng Pinas, ligtas makadaan sa Strait of Hormuz—DFA