May 21, 2026

Home BALITA National

Palasyo kay Zaldy Co: ‘Handa ba siya na magsabi ng katotohanan?’

Palasyo kay Zaldy Co: ‘Handa ba siya na magsabi ng katotohanan?’
Photo courtesy: RTVM/YT, MB


Ibinato ng Malacañang kay Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co ang katanungan hinggil sa kahandaan na magsabi ng katotohanan kaugnay sa isyu ng maanomalyang flood control projects sa bansa.

Kasunod ito ng isang tanong kung handa ba si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga maaaring isiwalat ni Co, matapos madawit ang kaniyang pangalan sa nabanggit na anomalya.

KAUGNAY NA BALITA: Zaldy Co, inilabas mga resibo ng mga maletang hinatid umano kina PBBM, ex-HS Romualdez-Balita

“Ang dapat na tanong diyan ay kung handa ba si Zaldy Co na magsabi ng katotohanan? Kung handa ba siya na sabihin kung sino… Kung ha? Hindi natin sinasabing siya’y guilty… Kung sino ba ‘yong kaniyang mga nakasama,” saad ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecetary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa press briefing ng PCO nitong Biyernes, Abril 17.

Giit ni Usec. Castro, si PBBM pa nga raw ang nangunguna sa imbestigasyon ng umano’y katiwalian sa mga naturang proyekto.

“Ang Pangulo, uulitin po natin, ang siyang nagsimulang magpaimbestiga ng maanomalyang flood control projects. Siya ang nanguna magpaimbestiga ng diumanong korapsyon,” anang press officer.

“Ang Pangulo ay handang makinig sa lahat ng maaaring sabihin ng mga taong involved at dapat na managot sa batas,” dagdag pa niya.

Sa parehong press briefing, isiniwalat din niya na masaya umano si PBBM sa pagkakaaresto kay Co.

“Definitely, dahil sabi nga po natin, ang utos po niya [ay] managot ang dapat managot. Kung [ang] isang tao po ay may warrant of arrest, fugitive, cancelled ang passport, sino po ang hindi matutuwa na ang isang taong fugitive ay maibabalik sa Pilipinas para managot,” saad ni Usec. Castro.

MAKI-BALITA: PBBM, masayang nahuli na si Zaldy Co—Usec. Castro-Balita

Noong Huwebes ng gabi, Abril 17, kinumpirma mismo ng Pangulo ang pagkakatiklo sa dating kongresista sa Prague, Czech Republic matapos hindi payagang makapasok sa bansang Germany.

MAKI-BALITA: Zaldy Co, 'di pinapasok ng Germany kaya natiklo ng Czech—PBBM-Balita