May 22, 2026

Home SHOWBIZ Events

Sue Prado, nakadalo pa sa storycon noong Abril 11; may sey tungkol sa 'letting go!'

Sue Prado, nakadalo pa sa storycon noong Abril 11; may sey tungkol sa 'letting go!'
Photo courtesy: via MB/Tempo File Photo

Ikinagulat ng marami, lalo na ng mga taga-showbiz industry ang hindi inaasahang pagpanaw ng award-winning theater, TV, at movie actress na si Sue Prado sa edad na 44.

Kinumpirma ng kapatid ni Sue na si May Shereen sa isang Facebook post noong Miyerkules, Abril 15, ang pagkamatay ng kaniyang kapatid.

“Our dearest Sue M. Prado has become a constant star in the night sky,” panimula ni May sa nasabing post.

“It is with profound pain that we share Sue’s passing. Sue brought light in anyone’s path throughout her life. A life lived for others, for the craft she nourished and for those who she loved most,” dagdag pa ng kapatid.

Hindi nabanggit ng kapatid ni Sue ang dahilan ng pagkamatay ng aktres.

Events

Hirit ni Marina Summers sa standards sa pageants, tuhog din sa pagpili ng future leaders!

Maki-Balita: KILALANIN: Ang pumanaw na indie film actress na si Sue Prado

Nagluksa ang industriya sa pagkamatay ng award-winning actress sa pamamagitan ng pagpo-post ng tribute nila para kay Sue.

Sa ulat ng Philippine Entertainment Portal o PEP, nakadalo pa si Sue sa isang media conference noong Sabado, Abril 11, na ginanap sa Mellow D. Café, Roces Avenue, Quezon City.

Story conference ito para sa pelikulang "The Flying Red Balloon" na pagbibidahan daw nina Liezel Lopez at McCoy de Leon, sa direksyon ni Louie Ignacio.

Makakasama rin sa cast sina Jayson Gainza, Lianne Valentin, Paolo Gumabao, Kimson Tan, Rebecca Chuaunsu, at Richard Yap. Kasama rin dito si Sue pero siguradong magkakaroon na siya ng replacement dahil sa kaniyang nakabibiglang pagpanaw.

Sa nabanggit na storycon, nakapagbigay pa si Sue ng kaniyang mga pananaw at saloobin sa iba't ibang isyu, gaya ng problema at krisis sa langis, na apektado hindi lamang ang mga ordinaryong mamamayan kundi maging silang mga artista.

Nagbigay rin ng saloobin niya si Sue tungkol sa kakulangan daw ng gobyerno sa pagresolba ng mga problema sa kalagitnaan ng krisis.

May wish din si Sue para kay US President Donald Trump, na sana raw, "manahimik" na para tumahimik na ang mundo. Dahil daw sa malalakas na bansang nanggugulo, naiipit ang maliliit na bansa, kagaya raw ng Pilipinas.

“Gusto lang naman nating mabuhay nang maayos, eh. Pero it’s been becoming hard. Kahit na gusto nating maging maayos na tao, dahil nag-aagaw-puwersa itong mga malalaking ito, yung mga malalakas… 'di ba, tayo, gusto lang mabuhay nang disente. Naiipit tayo. So that’s what I really wish for. Tumahimik na sila," anang aktres.

Pero ang isa sa mga binalikan ng mga netizen ay ang naging mga nasabi niya tungkol sa "letting go." Sa palagay ni Sue, ganoon daw talaga ang buhay. Marami na raw siyang ni-let go.

“Ganoon talaga yung buhay, eh. Kasama 'yan sa cycle of life. And I think, letting go is one of the most important parts of living. Kasi, letting go is necessary para magkaroon ng space sa mga bagay na mas importante, mas mahalaga at saka tunay na nakatakda.”

Nagbigay rin ng kaniyang pananaw si Sue tungkol sa mga "wish."

“Ahh, yung wish mo, bumabalik? Oo naman kapagka nakatakda para sa iyo, hindi puwedeng hindi mangyari,” saad ng aktres.

Dagdag pa niya, "Hindi puwedeng hindi bumalik, the same way that lessons that need to be learned—hangga’t hindi natututunan, hindi siya matitigil mangyari. Hangga’t hindi natututunan ng tao.”

Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang inilalabas na mga detalye patungkol sa wake ni Sue.