April 12, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'Parents and kids, speak up!' Yasmien Kurdi, push ipasumbong school bullies

'Parents and kids, speak up!' Yasmien Kurdi, push ipasumbong school bullies
Photo courtesy: Yasmien Kurdi (MB)/Unsplash

Hinikayat ng Kapuso actress na si Yasmien Kurdi na magsalita at isumbong ng mga magulang at anak nila sa mga awtoridad kung sakaling nakararanas sila ng pambu-bully sa paaralan.

Ibinahagi ni Yasmien sa kaniyang Facebook post noong Martes, Abril 7, ang pagsasampa ng kaso laban naranasang insidente ng pambu-bully sa kaniyang anak na si Ayesha, bilang paninindigan para sa hustisya at proteksyon ng kabataan.

Sa isang pahayag, ipinahayag ni Kurdi ang pasasalamat sa mga abogadong tumulong sa kanilang pamilya, kabilang sina Atty. Ade, Atty. Paeng, Atty. Rej, at Atty. Jojo, pati na rin sa kanyang mga naging propesor sa law school na nagbigay ng gabay sa proseso ng kanilang isinampang kaso.

Ayon sa aktres, noong nakaraang taon ay pormal nilang inihain ang reklamo sa Department of Education (DepEd), kasunod ng kahilingan ng kanyang anak na si Ayesha Zara Soldevilla. Aniya, kumpleto at may sapat na ebidensya ang kanilang isinumiteng dokumento upang patunayan ang nangyaring pambubully.

Binigyang-diin ni Kurdi na bilang magulang, patuloy nilang ipaglalaban at poprotektahan ang kanilang anak. Para sa kanya, hindi lamang ito usapin ng isang bata kundi isang panawagan para sa pananagutan ng mga institusyon.

Tsika at Intriga

Ogie Diaz, dinepensahan si Sarah Lahbati sa paglalako ng mga gamit

Ipinaalala rin niya na sa ilalim ng Anti-Bullying Act of 2013 o Republic Act No. 10627, may obligasyon ang mga paaralan na aksyunan ang mga kaso ng pambubully. Kapag nabigo umano ang mga ito, may kapangyarihan ang DepEd na magsagawa ng imbestigasyon at magpataw ng kaukulang parusa.

Nagpasalamat din ang aktres sa DepEd, kabilang sina Secretary Sonny Angara at iba pang opisyal, sa pakikinig sa kanilang hinaing at pagbibigay-prayoridad sa kapakanan ng mga biktima.

Kasabay nito, hinikayat ni Kurdi ang mga magulang at kabataan na huwag matakot magsalita laban sa pambubully. Aniya, may mga mekanismo tulad ng TeleSafe Hotline at iba pang contact channels ng DepEd kung saan maaaring iangat ang mga reklamo kung hindi ito naaaksyunan ng paaralan.

"Parents and kids, SPEAK UP! if schools do not act, you have the right to elevate your concerns," anang Yasmien.

Sa huli, iginiit ng aktres na nararapat lamang na maramdaman ng bawat bata ang kaligtasan, pakikinig, at proteksyon sa loob at labas ng paaralan.

Matatandaang noong 2024, inireklamo ni Yasmien ang pribadong paaralang pinapasukan ng anak dahil sa pambu-bully ng mga kaklase nito, na naging dahilan para i-transfer niya sa ibang paaralan si Ayesha.

Maki-Balita: 'We will always stand by her and protect her!' Yasmien Kurdi, nagsampa ng kaso dahil sa anak na na-bully