April 12, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'We will always stand by her and protect her!' Yasmien Kurdi, nagsampa ng kaso dahil sa anak na na-bully

'We will always stand by her and protect her!' Yasmien Kurdi, nagsampa ng kaso dahil sa anak na na-bully
Photo courtesy: Yasmien Kurdi (FB/IG)

Nagsampa ng pormal na reklamo ang aktres na si Yasmin Kurdi laban sa umano’y insidente ng pambubully na naranasan ng kanyang anak, bilang paninindigan para sa hustisya at proteksyon ng mga kabataan.

Sa isang pahayag, ipinahayag ni Kurdi ang pasasalamat sa mga abogadong tumulong sa kanilang pamilya, kabilang sina Atty. Ade, Atty. Paeng, Atty. Rej, at Atty. Jojo, pati na rin sa kanyang mga naging propesor sa law school na nagbigay ng gabay sa proseso ng kanilang isinampang kaso.

Ayon sa aktres, noong nakaraang taon ay pormal nilang inihain ang reklamo sa Department of Education (DepEd), kasunod ng kahilingan ng kaniyang anak na si Ayesha.

Aniya, kumpleto at may sapat na ebidensya ang kanilang isinumiteng dokumento upang patunayan ang nangyaring pambubully.

Binigyang-diin ni Kurdi na bilang magulang, patuloy nilang ipaglalaban at poprotektahan ang kanilang anak. Para sa kaniya, hindi lamang ito usapin ng isang batang na-bully kundi isang panawagan para sa pananagutan ng mga institusyon.

Tsika at Intriga

Ogie Diaz, dinepensahan si Sarah Lahbati sa paglalako ng mga gamit

"This is not just about one child, it is about accountability! Under the Anti-Bullying Act (R.A. 10627), schools are required to act, and when they fail, DepEd has the authority to investigate and impose sanctions," aniya.

Ipinaalala rin niya na sa ilalim ng Anti-Bullying Act of 2013 o Republic Act No. 10627, may obligasyon ang mga paaralan na aksyunan ang mga kaso ng pambu-bully. Kapag nabigo umano ang mga ito, may kapangyarihan ang DepEd na magsagawa ng imbestigasyon at magpataw ng kaukulang parusa.

Nagpasalamat din ang aktres sa DepEd, kabilang sina Secretary Sonny Angara at iba pang opisyal, sa pakikinig sa kanilang hinaing at pagbibigay-prayoridad sa kapakanan ng mga biktima.

Kasabay nito, hinikayat ni Kurdi ang mga magulang at kabataan na huwag matakot magsalita laban sa pambu-bully. Aniya, may mga mekanismo tulad ng TeleSafe Hotline at iba pang contact channels ng DepEd kung saan maaaring iangat ang mga reklamo kung hindi ito naaaksyunan ng paaralan.

"Parents and kids, SPEAK UP! if schools do not act, you have the right to elevate your concerns," aniya.

Sa huli, iginiit ng aktres na nararapat lamang na maramdaman ng bawat bata ang kaligtasan, pakikinig, at proteksyon sa loob at labas ng paaralan.

Matatandaang noong 2024, inireklamo ni Yasmien ang naranasang pambu-bully sa anak sa isang pribadong paaralang pinapasukan nito, na humantong pa sa pakikipagkita kay DepEd Secretary Sonny Angara.

Maki-Balita: Anak ni Yasmien Kurdi, nakaranas ng bullying sa paaralan

Maki-Balita: Yasmien Kurdi, makikipagkita kay DepEd Sec. Sonny Angara dahil sa bullying