Bumuwelta ang Malacañang sa kamakailang naging patutsada ni Sen. Imee Marcos na tila raw “na-Hudas” ang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa maanomalyang flood control projects.
Matatandaan kasing naglabas ng pahayag si Sen. Imee sa pamamagitan ng kaniyang Facebook post noong Abril 1, 2026, kung saan kinuwestiyon niya ang resulta ng naging pag-iimbestiga ng ICI sa mga anomalyang naganap sa ahensya ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Nag-imbestiga? Nasaan ang ICI report? Na-April fools na, na-Hudas pa!” anang senador.
Ayon naman sa naging tugon ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro nitong Lunes, Abril 6, 2026, kinuwestiyon niya kung sino ba raw talaga ang nang-Hudas o nanloko sa taumbayan sa nagdaang administrasyon.
“Sino ba ang nang-Hudas? Sino ba ang nanloko?” pagsisimula niya.
Ani Castro, dapat umanong “consistent” o pantay ang pagbatikos ng mga kagaya ni Sen. Imee maging sa administrasyon noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at hindi lang nakatuon sa pamamahala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
“Sana po kung ang isang tao ay talagang laban sa korapsyon sana consistent sa pagbatikos dito at pagpuna. Hindi lamang sa panahon ni Pangulong Marcos Jr., kundi [sa] nakaraang administrasyon,” diin niya.
Patutsada pabalik ni Castro, nagsimula umano ang anomalya sa flood control projects ng DPWH noong 2020 at panahon ni FPRRD ngunit tila hindi naman daw nag-ingay sina Sen. Imee.
‘Ibabalik natin sa kanila ‘yan. Ang ghost projects as early as 2020 na walang nangyaring malawakang pag-iimbestiga. Ang tanong natin, nag-ingay ba sila?” saad niya.
Pagbibida ni Castro, si PBBM lang umano ang nag-utos na maimbestigahan ang nasabing anomalya.
“Hindi ba ang Pangulong Marcos lamang [noong] 2025 ang siyang nag-utos na imbestigahan ang kalat na ito na mukhang namana pa ng nakaraang administrasyon,” ‘ika niya.
Depensa ni Castro, naibigay na raw ng ICI ang kanilang accomplishment report sa investigative bodies kagaya ng Department of Justice (DOJ) at Office of the Ombudsman, alinsunod sa Executive Order (EO) 94.
“Tandaan natin, sinasaad din po sa Executive Order 94 na ang ICI ay dapat na magbigay ng kanilang accomplishment report. Sa ating pagkakaalam, nagbigay naman sila ng accomplishment report,” aniya.
“Siguro mas maganda kung makikita nila itong accomplishment report na ito para masabi naman silang may report ang ICI. Pero kung ang detalye patungkol po rito, ito po ay nasa DOJ at nasa Ombudsman. Talagang naibigay sa mga investigating bodies na mag-iimbestiga patungkol po dito,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon si Sen. Imee kaugnay rito.
MAKI-BALITA: Usec. Castro, binuweltahan si Sen. Imee: 'Sino po kaya naging pasaway, dapat binantayan?'
MAKI-BALITA: Rep. Leviste, rumatsada sa ICI para humingi ng resulta sa imbestigasyon sa korapsyon!