May 22, 2026

Home BALITA Probinsya

Kumabig? Ruben Enaje, tuloy pa rin pagpapako sa krus ngayong 2026!

Kumabig? Ruben Enaje, tuloy pa rin pagpapako sa krus ngayong 2026!
Photo courtesy: via MB, CSFP City Information Office/FB

Muling lalahok sa pagpapapako sa krus ang beteranong deboto na si Ruben Enaje ngayong Semana Santa, taliwas sa nauna niyang pahayag na ititigil na niya ang kaniyang matagal nang panata.

Kinumpirma ng Pamahalaang Lungsod ng San Fernando noong Marso 30, 2026 na kabilang pa rin si Enaje sa mga opisyal na gaganap bilang “Kristo” para sa Maleldo 2026, partikular sa Via Crucis na gaganapin sa Barangay San Pedro Cutud.

Si Enaje, 65 anyos, ay 36 na taon nang nagpapapako sa krus at kinikilalang pangunahing “Kristo” ng lungsod, gayundin bilang isa sa mga pinakamatagal na kalahok sa tradisyong isinasagawa tuwing Biyernes Santo.

Makakasama niya ang iba pang matagal nang deboto tulad ni Wilfredo Salvador ng Barangay San Juan na 18 taon nang tumutupad sa panata, at si Fernando Mamangun ng Barangay Sta. Lucia na 30 taon nang nagsasagawa ng ritwal.

Matatandaang nauna nang iniulat ang naunang kumpirmasyon ni Enaje na ngayong 2026 na sana siya hihinto sa pagpapapako bunsod umano ng mga nararamdaman niya sa kaniyang katawan.

Probinsya

Lalaking tinakbuhan mga nanggugulpi sa kaniya, patay matapos bumangga sa poste!

“Hindi na po,” ani Enaje sa inilathalang panayam sa kaniya ng GMA News Online nitong Linggo, Marso 29, 2026, hinggil sa muli niyang paglahok ngayong Semana Santa.

Ibinahagi rin niya sa naturang panayamna noong nakaraang taon ay ramdam na niyang maaaring iyon na ang kaniyang huling pagsabak sa naturang gawain.

“Noong isang taon naramdaman ko na parang ito na yung huli ko. Kasi kinakapos na ako ng hininga,” aniya.

KAUGNAY NA BALITA: Kilalang nagpapapako sa krus na si Ruben Enaje, 'di na itutuloy panata simula ngayong 2026!

Ayon sa mga opisyal, handa na ang lungsod para sa Maleldo 2026, ang terminong Kapampangan para sa Semana Santa, kung saan mahigit 500 tauhan ang itatalaga sa Biyernes Santo, Abril 3, upang tiyakin ang kaayusan, kaligtasan, at agarang pagtugon sa anumang insidente.

Isasagawa ang pangunahing pagpapapako sa krus sa Barangay San Juan alas-7 ng umaga, Barangay Sta. Lucia alas-10 ng umaga, at Barangay San Pedro Cutud alas-11 ng umaga. Mayroon ding mas maliliit na ritwal sa Barangay Del Pilar.