Hindi na muling magpapapako sa krus ngayong taon si Ruben Enaje, ang kilalang deboto na gumaganap bilang si Hesus tuwing Mahal na Araw sa Pampanga.
Matapos ang mahigit tatlong dekada ng pagganap sa ritwal ng pagpapapako tuwing Biyernes Santo, sinabi ng 65-anyos na si Enaje na titigil na siya sa kaniyang panata.
“Hindi na po,” ani Enaje sa inilathalang panayam sa kaniya ng GMA News Online nitong Linggo, Marso 29, 2026, hinggil sa muli niyang paglahok ngayong Semana Santa.
Ibinahagi rin niya sa naturang panayamna noong nakaraang taon ay ramdam na niyang maaaring iyon na ang kaniyang huling pagsabak sa naturang gawain.
“Noong isang taon naramdaman ko na parang ito na yung huli ko. Kasi kinakapos na ako ng hininga,” aniya.
Ayon kay Enaje, nahirapan na rin siya sa pisikal na aspeto ng kaniyang panata noong 2025, lalo na sa pagbubuhat ng krus.
“Noong nakaraang taon, 2025, nang pasanin ko na yung krus, medyo mabigat na. Nagdasal ako, sabi ko, ‘Panginoong Jesus, gabayan mo ako sa panata kong ito, sana matapos ko nang walang kahirap-hirap.’ Hanggang sa mapako, kahit masakit, natapos din,” kuwento niya.
Dagdag pa niya, isa rin sa mga dahilan ng kaniyang pag-atras ay ang kondisyon ng kaniyang kalusugan, kabilang ang hika na umano’y karaniwan sa kanilang pamilya.
“Alam mo, sa lahi namin, asthma ang laging umaatake,” ani Enaje.
Kilalang tradisyon sa Pampanga ang taunang pagsasadula ng pagpapapako sa krus bilang bahagi ng paggunita sa Semana Santa, kung saan dinarayo ito ng mga deboto at turista mula sa iba’t ibang lugar.
Natatandanag noong2025 nang ibahagi ni Ruben ang pahayag niya hinggil sa napipintong pagtatapos ng mahgit tatlong dekada niyang pagpasan at pagpapapako sa krus.
"Mainit po yung kamay ko sa ngayon. Nagbabadya na titigil na ako. Noong mga nakaraang taon, wala akong nararamdaman na init sa mga sugat, baka mawala na itong sakit ng paa at kamay. Sa balikat, nandito pa. Ang pinakamasakit po ay yung nahilo ako doon sa daan,” saad ni Ruben.
Samantala, sa kabila ng nakaambang pagreretiro ni Ruben sa pagpapapako sa krus, nilinaw naman ng tourism office ng San Fernando, Pampanga na hindi raw matitigil ang taunang senakulong dinarayo sa kanilang lugar.
"There’s still a lot that we can look forward to in the coming years. And I think it’s about time that we go beyond the idea that faith tourism stops and ends with crucifixion because it’s not," ani Ching Pangilinan-tourism officer.
KAUGNAY NA BALITA: Pagpapapako ni Ruben Enaje sa krus, matutuldukan na ngayong taon?