Hindi maitatangging mahalaga sa tradisyon at kasaysayan ng Pilipinas ang pagsasagawa ng senakulo tuwing Semana Santa o Mahal na Araw.
Ayon sa depinisyon sa diksyunaryo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang senakulo ay “isang dulang nagsasalaysay ng búhay, paghihirap, at kamatayan ni Hesukristo na itinatanghal tuwing Mahal na Araw mula sa Linggo ng Palaspas hanggang sa gabí ng bisperas ng Pasko ng Pagkabúhay.”
Dagdag naman ng National Commission for Culture and Arts (NCCA), “isa ang senakulo, noong panahon ng mga Kastila, sa mga naging mabisang paraan upang mahimok at maipaintindi sa mga katutubo ang pananampalatayang Katoliko na dala ng mga mananakop.”
Ang punto, malinaw na parte ng panitikan ang senakulo noon pa man. May kakayahan itong maging instrumento sa pagbibigay ng aral sa kamalayan ng publiko, hindi lang sa pampersonal na mga naging karanasan ni Hesus kundi pati na rin sa siste at mukha ng lipunang kinabilangan niya noon.
KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: Debosyon ng aktor, direktor na 2 dekada nang nagse-Senakulo!
Ngunit sa loob ng mahigit dalawang milenyo mula nang mabuhay si Hesus sa mundo, hindi maitatangging lubhang matagal na panahon na ang lumipas at tila kuwestiyonable na para sa ilan kung nagiging tugma pa ba ang sistema ng lipunan sa kaniyang panahon.
Dahil dito, maaari nga bang magamit ang kuwento ng buhay at pagpapakasakit ni Hesus noon, partikular sa mga napapanood sa senakulo, upang mailapit sa publiko ang mga kasalukuyang suliraning panlipunan?
Ayon sa naging eksklusibong panayam ng Balita sa aktor, direktor, at mahigit dalawang dekada nang nakikiisa sa pagsasagawa ng Senakulo na si Jay-jay Catapangan, 35, mula sa bayan ng Pagbilao sa Quezon Province, sinabi niyang napansin daw nila, sa loob ng matagal na panahon na nilang nagsasagawa ng senakulo, na tila nakakaumay na at iisa lang ang nangyayari sa pagsasadula nito.
Sa kabila nito, pinipilit pa rin daw nilang laging bigyan ng bagong timpla ang itinatanghal nilang senakulo sa publiko upang hindi ito pagsawaan ng mga manonood.
“Sa paulit-ulit namin na ginagawa ‘yong script ng Senakulo, alam namin na medyo nakakaumay na, alam namin na iisa lang ‘yong nangyayari. Pero pinipilit namin na magkaroon ng bagong kuwento,” pagsisimula niya.
Paghahalimbawa ni Jay-jay sa inihahanda nilang senakulo ngayong 2026, sinabi niyang nagawa raw nilang ilatag at ikumpara sa loob ng senakulo ang mga kasalukuyan na ring kuwento ng mamamayan sa panahong kasalukuyan.
“Katulad ng Senakulo na binubuo namin ngayong taon, nagkaroon ng diskusyon ang production at mga kaparian sa kung ano ba at sa kung papaanong paraan namin mas epektibong maibababa ang mensahe. Which is ‘yong sa pagkukumpara o paglalatag noong kuwento ng pagpapakasakit ni Kristo noon at sa kasalukuyang kuwento pangkaraniwang mamamayan ngayon,” aniya.
“Which is ‘yong mga social issues. Nagkaroon ng parang parallel. Kuwento noon at kuwento ngayon. Paano namin ipaparamdam sa tao na ito sila at ito ‘yong kuwento ni Kristo na nagtutugma sa buhay nila,” paliwanag pa niya.
Saad niya, sinisikap daw nilang ituloy ang ganitong paraan ng pagkukuwento sa susunod pang mga panahon upang epektibo silang makapagbigay ng malalim na mensahe sa kanilang mga tagapanood.
“Mas sinisikap namin na ganoon ‘yong gawin sa pagdaan ng panahon para patuloy na mas maging epektibo at malalim ‘yong ibibigay namin sa mga audience namin,” ‘ika niya.
Giit ni Jay-jay, sa katunayan daw ay matagal na nila itong ginagawa simula pa noong 2011 at 2012.
“Year 2012 or 2011, nagkaroon na kami ng parallel na parang production na seven last words then ano ‘yong katugma na mensahe noong pitong mga huling wika,” anang direktor.
Dagdag naman niya, “Sa kasalukuyang panahon, binago namin, nagkaroon kami ng tungkol sa quarry, tungkol sa prostitution, tungkol sa korapsyon, tungkol Coal Power Plant, mining, mga ganoon. So mas naging relatable sa mga audience namin sa aming bayan.”
Paalala naman niya, higit pa rin daw na kailangang maging maingat ng mga katulad nilang nagdederehe ng senakulo dahil hindi lang naman daw basta para sa tao lang ang kanilang isasadula, dahil ang senakulo raw ay kasaysayan ng simbahang Katolika.
“Pero sa paggawa noon, kailangang maging maingat ka. Hindi lang kasi basta tao ‘yong binibigyan mo ng kuwento. Ito ay talagang history ng kasaysayan ng simbahang Katolika na may ganitong pangyayari at hindi mo basta-basta puwedeng tapatan ng kung ano lang,” diin niya.
“Itong mga nasabi ko kanina na mga kuwento ay masusing inaral at itinugma sa kung papaano ang view ng simbahan sa kasalukuyang nangyayari sa kapaligiran,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: Mga gumaganap na Kristo sa Senakulo, nakaranas ng himala?