Kagaya sa kuwento ng naging buhay ni Hesus, hindi lingid sa kaalaman ng marami ang mga himalang nagawa niya para sa iba’t ibang mga indibidwal.
Halimbawa ng naging pagpapagaling ni Hesus sa isang paralisadong lalaki, sa anak ng pinuno ng sinagoga na si Jairo, ng babaeng humawak sa laylayan ng kaniyang damit at dinudugo na sa loob ng 12 taon, nang minsang niyang gawing alak ang tubig sa isang kasalan sa Cana ng Galilea, ng kaniyang paglalakad sa tubig at pagpapalakad din sa tubig sa apostol niyang si Pedro, ang pagbuhay niya kay Lazaro, at marami pang iba.
At dahil ginugunita rin ngayon ang Semana Santa o Mahal na Araw, isa na sa mga pangunahing tiyak na makikita o mapapanood dito ay ang pagsasagawa o pagsasadula ng ilang mga grupo mula sa simbahang Katoliko ng Senakulo.
KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: Debosyon ng aktor, direktor na 2 dekada nang nagse-Senakulo!
Ang tanong: dahil ba rito ay posible nga bang makaranas din ng himala ang mga aktor na gumaganap sa naging buhay at pagpapakasakit ni Hesus matapos ang Senakulo?
Ayon sa naging eksklusibong panayam ng Balita sa aktor, direktor, at mahigit dalawang dekada nang nakikiisa sa pagsasagawa ng Senakulo na si Jay-jay Catapangan, 35, mula sa bayan ng Pagbilao sa Quezon Province, ibinahagi niya ang ilan sa mga napansin niyang karanasan ng mga kagayang niyang gumanap din bilang si Hesus sa Senakulo.
Ani Jay-jay, bagama’t wala siyang maituturing na personal na karanasan ng himala, masasabi naman daw niyang napansin niyang may mga panalanging tila natutupad matapos ang pagsasadula niya at ng mga kagaya niyang gumanap na Kristo sa Senakulo.
“Siguro may mga personal answered prayers na natutupad,” pagsisimula niya.
Aniya pa, marami raw sa mga sumasali sa Senakulo, maging ang ibang mga cast ng dula, ay mayroong mga personal na panalangin.
“Alam mo, marami sa mga sumasali ng Senakulo, bago pa lang sumali ay may kaniya-kaniyang panalangin na ‘yang mga ‘yan,” saad niya.
Paglilinaw ni Jay-jay, hindi raw niya tiyak kung paano nagsimula ang tradisyon sa kanila na magbibit ng panalangin bago magsagawa ng Senakulo, ngunit marami raw sa mga personal niyang nasaksihan ang nagpasalamat dahil tila natupad ang kanilang panalangin.
“Hindi ko alam kung paano naging tradisyon ‘yon dito sa amin at kung paano nagsimula na gustong sumali ng Senakulo dahil may gusto silang matupad o magkatotoo na mga panalangin,” kuwento niya.
Diin pa niya, “Pagdaan ng mga araw, ng mga buwan, nagpapasalamat sila.”
Pagpapatuloy pa ni Jay-jay, kahit hindi raw masasabing direkta silang nakakaranas ng himala ay malaking bagay pa rin umano na bukal sa puso ng isang indibidwal na ialay ang kanilang sarili sa pagsasagawa ng Senakulo kapalit ng kanilang mga panalangin.
“Hindi man direkta na, sabihin natin na dahil doon pero malaking bagay na ialay mo ‘yong sarili mo, ibigay mo ‘yong sarili mo, kapalit ng hinihingi mo,” pagtatapos niya.