May 22, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

#BalitaExclusives: Gaano katotoo pagiging aktibo ng mga engkanto, espirito tuwing Biyernes Santo?

#BalitaExclusives: Gaano katotoo pagiging aktibo ng mga engkanto, espirito tuwing Biyernes Santo?
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Bukod sa pagsapit ng Undas, isa sa maituturing na panahon kung kailan nagiging aktibo ang mga nilalang na hindi kadalasang nakikita ng maraming tao ay ang paggunita ng Mahal na Araw. 

Saad ng karamihan ng mga tao sa probinsya, nagiging aktibo raw ang mga engkanto halimbawa ng tikbalang, kapre, duwende, at iba pa. Idagdag pa ang mga nakakatakot na nilalang partikular ng aswang, tiyanak, manananggal, at tiktik. 

Ayon sa mga sabi-sabing tiyak na narinig na ng maraming tao sa probinsya, nagiging aktibo raw ang mga ito sa araw kung saan patay si Hesukristo—tuwing Biyernes Santo bilang paglilinaw. 

Ngunit gaano nga ba katotoo ang pagiging aktibo ng mga nilalang na hindi nakikita ng karamihan para sa mga manggagamot o albularyo? 

Ayon sa naging eksklusibong panayam ng Balita kay Dok Sebyu, 55, dalawang dekada nang albularyo sa Brgy. Inalig, sa bayan ng Atimonan, sa Probinsya ng Quezon, hindi niya itinangging nakakakita raw siya minsan ng mga nilalang na hindi kadalasang nakikita ng karamihan. 

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

“Minsan po ay namamalikmata. Pagtingin mo, tapos pagkisap mo, wala na. Minsan po,” pagsisimula niya.  

Ani Dok Sebyu, totoo raw na nakakakita din siya ng mga nilalang tuwing Biyernes Santo at tinatawag lamang niya ang Diyos kapag nangyari raw ang ganitong mga tagpo. 

“Opo, nagpapakita sila tuwing Biyernes Santo. Tatawagin ko lang po ang aking Ama na nasa itaas kapag nakakakita ako. Totoo po,” aniya. 

Pagkukuwento ni Dok Sebyu, bagaman at may kaniya-kaniya rin daw na relihiyon ang mga nilalang na hindi normal na nakikita ng ibang tao, “sukob” o nagpapakumbaba raw ang mga ito kapag tinatawag niya ang Diyos. 

“Kumbaga sila ay mayroon ding relihiyon silang sinasamba, e. Hindi lang kagaya ng sa atin na kapag tinawag natin, lahat ay sukob sila,” saad niya. 

Pagkukuwento ng albularyo, “Halimbawa, may isang bata na sinapian ng hindi masamang espirito, nanlilisik ang mata, iba ang sumapi sa kaniya, talagang matindi, kumbaga ibang espirito na malakas.” 

Aniya pa, “Nangangagat at kahit talagang maski bunuin ay kayang itikwal ‘yang kung ilan ang bumuno. ‘Yan po, isang tawag lang namin sa Panginoon, pakumbaba agad siya.” 

Pagbabahagi ni Dok Sebyu, may ginamot daw siya kamakailan na isang babaeng sinapian at doon daw niya masasabing malakas ang ilang sumasanib na masamang espiritu sa tao. 

“Kagaya nga po noong nakaraang linggo, may ginamot ako ng babae, sinapian siya. Talagang nanlilisik ang mata. ‘Yon po ay masamang espirito. Ay hindi naman ako kinaya at syempre iisa po ang tinatawag nating ama, wala nang iba pa,” ‘ika niya. 

“Talagang laglag po dito sa bangko namin ay. Talagang lukmay,” pahabol pa niya habang tinuro ang mahabang kahoy na bangko na gamit niya sa panggamot. 

Giit naman ni Dok Sebyu, hindi raw niya masasabing bukas ang kaniyang third eye ngunit kung makakakilala man daw siya ng isang tao na literal na nakakakita ng ibang mga nilalang ay handa raw niyang turuan ang mga ito ng mga nalalaman niya sa panggagamot. 

Aniya pa, bagaman at hindi raw bukas ang kaniyang third eye, masasabi naman daw niyang nagpapakumbaba ang iba pang mga nilalang kapag tinatawag niya ang Diyos. 

“Magdasal muna. Ang sabi nga nila, may third eye daw ‘yong tao kaya nakakakita ng ganiyang hindi nakikita ng iba. Ang sabi ko naman, kung ikaw ay may third eye at nakikita mo sila, at hindi namin nakikita ‘yong nakikita mo, kung ikaw ay sasang-ayon at gusto mong manggamot, gagabayan kita,” anang manggagamot. 

“Wala po akong third eye. Ang sinasamba ko lamang ay iisa talagang ama. Kapag tinawag ko ang Panginoong Diyos, talagang lahat ng gagamutin ko dito ay talagang nagaling at nagpapakumbaba sila,” pagtatapos pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: Debosyon ng mga albularyo sa pag-akyat sa bundok tuwing Mahal na Araw