May 22, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

#BalitaExclusives: Debosyon ng mga albularyo sa pag-akyat sa bundok tuwing Mahal na Araw

#BalitaExclusives: Debosyon ng mga albularyo sa pag-akyat sa bundok tuwing Mahal na Araw
Photo courtesy: File Photo

Kadalasan, karamihan sa mga Pilipino ay nagpupunta sa mga mamahalin o kung hindi man ay mapayapang lugar sa Pilipinas tuwing Semana Santa upang makapagbakasyon at makapag-relax. 

Ngunit hindi ganito ang layunin ng karamihan sa mga albularyo o manggagamot sa bansa na mas pinipiling umakyat ng bundok tuwing Mahal na Araw upang makapagdasal at mas mapalakas pa ang kanilang pananampalataya para sa panggagamot sa kanilang kapuwa. 

Kagaya nang minsang makapanayam ng Balita ang mahigit isang dekada nang antingero na si Julio Miguel o mas kilala sa alyas na “Agimat” sa Quiapo kamakailan, nabanggit niyang madalas daw silang umaakyat sa Bundok Banahaw o mas kilala rin sa tawag na “Banal na Bundok” tuwing sasapit ang Semana Santa o Mahal na Araw. 

Ani Agimat, madalas daw nilang idinaraos ang paggunita sa Semana Santa sa nasabing bundok na matatagpuan sa pagitan ng mga probinsya ng Laguna at Quezon, sa lalawigan ng CALABARZON. 

KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: Gaano katotoo ang gayuma sa 1 dekada nang antingero sa Quiapo?

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Kaya naman dahil muling ginugunita ngayon ang Semana Santa, gaano nga ba katotoo at kahalaga para sa mga manggagamot o albularyo ang pag-akyat ng bundok taon-taon kapag sasapit ang Mahal na Araw? 

Ayon sa naging eksklusibong panayam ng Balita sa mahigit dalawang dekada nang albularyo na si “Dok Sebyu,” 55-anyos, mula sa bayan ng Atimonan sa Probinsya Quezon, ikinuwento muna niyang natutunan daw niyang manggamot dahil sa ibinigay na kaalaman sa kaniya ng kaniyang ama. 

“Galing din po sa aking ama. Ibinigay sa akin ‘yong kaniyang alam at minemorya ko para makatulong sa kapuwa at ginampanan ko naman,” pagsisimula niya. 

Ani Dok Sebyu, 26-anyos pa lang daw siya noon nang matuto siyang manggamot at magmula nito ay nakapanggamot na siya ng maraming bali na buto at iba’t ibang mga klase ng sakit. 

“Para ‘yong mga nahingi ng tulong kagaya no’ng mga bali o anong klase ng sakit. 26 ako nang magsimula akong manggagamot,” pagkukuwento niya. 

Anang albularyo, taon-taon din daw tuwing Biyernes Santo ay umaakyat siya ng bundok upang buhayin ang kaniyang panata at pananampalataya sa Ama. 

Aniya pa, inuutos daw kasi ng Ama na dapat ibigay ng bawat indibidwal ang makakayanan nila sa hinihiling ng kanilang kapuwa. 

“Taon-taon po tuwing Biyernes Santo ako umaakyat,” ‘ika niya, “Binubuhay namin ‘yong kanila at aming panata. Sapagkat ang panginoong Diyos ay nakatunghay.” 

Dagdag pa niya, “Ang sabi sa atin [ng Ama], kung anong hilingin ng kapuwa ay ibibigay, kung abot ng makakaya mo na tulungan ang tao, ibigay mo [at] hindi madamot.” 

Paglilinaw ni Dok Sebyu, iba-iba naman daw kasi ang paniniwala ng mga katulad pa niyang albularyo ngunit iginiit niyang naniniwala lang umano siya sa iisang Ama. 

“Kumpurme po at depende sa panata at paniniwala ng iba pang mga manggagamot. Pero sa akin, iisa lang po ang tinatawag natin, e. Ang “Ama” wala nang iba pa,” saad niya. 

Paliwanag niya, tila raw nararamdaman niyang muli siyang bumabata kapag umaakyat siya sa bundok tuwing Mahal na Araw at ipinanalangin niya ang kanyang pananampalataya sa Ama. 

“‘Yon po, parang kahit naedad na ang tao ay parang bata pa rin siya—ang kaniyang paniniwala ulit. Kapag sumasampalataya ka, malakas ka na ulit. Tatawagin mo lang siya [ang Ama], okay ka,” pagbabahagi niya. 

Samantala, nang matanong naman si Dok Sebyu kung maipapayo ba niya sa ibang tahakin din ang pagiging albularyo, sinabi niyang tila hindi naman daw siya namimilit na may magpapatuloy ng kaniyang kaalaman sa panggagamot, kagaya na rin daw sa magiging desisyon ng kaniyang bunsong anak na babae. 

“Kasi po sila, at ako’y matagal na rin ngang nag-aalbularyo, wala akong nakikitang sila ay gumabay sa ganoong bagay. Para pong itong aking isang bunso, syempre babae siya, hindi ko masabi kung gugustuhin niya o hindi,” pagtatapos pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: Misteryo at Paniniwala: Pamamanata sa Bundok Banahaw