May 22, 2026

Home BALITA National

DOTr, ipapatawag mga bus company nagtataas pa rin ng pamasahe!

DOTr, ipapatawag mga bus company nagtataas pa rin ng pamasahe!
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Nangako sa publiko si Department of Transportation (DOTr) Sec. Giovanni Lopez na ipapatawag nila ang mga mahuhuling bus companies na nagtataas pa rin ng pamasahe sa kabila ng pagsuspinde ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ng fare hike dahil sa oil crisis na dulot ng sigalot sa Middle East. 

Matatandaang nagbaba ng direktiba ang Pangulo sa DOTr noong Marso 18, 2026, dahil nabasa raw niya ang mga usapin tungkol sa fare hike at napagdesisyunan niyang pansamantala munang suspindihin ang implementasyon nito.

Pagtitiyak ni PBBM, huwag daw mag-alala ang mga manggagawa sa sektor ng transport system dahil bibilisan at dadagdagan pa raw nila ang suporta para sa mga ito.

KAUGNAY NA BALITA: PBBM, pinasususpinde fair hike sa DOTr dahil sa oil price hike!

Ayon naman sa naging panayam ng media kay Lopez nitong Lunes, Marso 30, 2026, sinabi niyang nakarating sa kanila ang mga report na may mga bus company na nagtataas pa rin ng pamasahe. 

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

Aniya pa, dahil na rin sa ipinag-utos ng Pangulo kaya pansamantalang nasuspinde ang implementasyon ng fare hike at minabuti nilang mamahagi ng subsidiya sa mga sektor na lubhang apektado sa pagtaas ng presyo sa mga produktong petrolyo. 

“Nakarating sa amin ‘yong ulat na iyan. Ang sabi nga ng ating Pangulo, ipagpaliban muna natin ‘yong pagtataas ng pamasahe kaya inaapura nating magbigay ng subsidiya sa iba’t ibang programa ng ating gobyerno,” pagsisimula niya. 

Ani Lopez, nagpakalat na raw sila ng mga tauhan nila mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang bantayan ang mga Public Utility Vehicles (PUVs) sa pamasaheng sinisingil ng mga ito sa mga pasahero. 

“Ngayon po, naka-deploy po ang ating mga LTFRB personnel,” diin niya. 

Nagawa ring manawagan ni Lopez sa publiko na agad ipagbigay-alam sa DOTr at LTFRB ang mga bus at PUVs na nagtataas ng singil sa pamasahe. 

Pangako niya, makakaasa raw ang publiko na bibigyan nila ng show cause order ang operator ng mga pampublikong sasakyan na nagtataas ng pamasahe nang walang pahintulot ng pamahalaan. 

“‘Yong iba naman po ng ating mga kababayan, iparating po sa amin sa DOTr at LTFRB at makakaasa po kayo na iisyuhan namin ng show cause order ang mga bus operator [at] ‘yong mga pampublikong sasakyang na nagtaas ng pamasahe nang walang pahintulot,” ‘ika niya. 

Nakiusap din si Lopez sa PUVs operators na huwag nang subukang magtaas pa ng singil sa pamasahe dahil maaari raw ma-revoke o masuspinde ang prangkisa ng mga ito. 

“Pero makikiusap na rin po kami sa mga bus operators at mga transport public utility regards operators natin na huwag na silang magtaas ng pamasahe natin,” sumamo niya. 

“Sapagkat ngayon po ay regulated ang mga pagtaas nang wala pong approval ng ating LTFRB. It is a grab for revocation or suspension of franchises,” pagtatapos pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: ‘Barya na nga lang, binawi pa!' PISTON, dismayado kay sa fare hike suspension ni PBBM