May 21, 2026

Home FEATURES Human-Interest

Puyat, pagod si Organizer: Karatulang 'Community panty,' kinaaliwan!

Puyat, pagod si Organizer: Karatulang 'Community panty,' kinaaliwan!
Photo courtesy: Patreng Non (FB)

"BAKIT PANTY?"

Ipinaliwanag ni Ana Patricia Non, tagapagtatag ng Maginhawa Community Pantry, ang viral na maling karatulang “Community Panty” na umani ng aliw sa social media.

Sa kaniyang Facebook post, ibinahagi ni Non ang kuwento sa likod ng naturang pagkakamali.

Ayon sa kaniya, ang pantry organizer na gumawa ng karatula ay isang empleyado sa Business Process Outsourcing (BPO) na katatapos lamang ng trabaho bandang 7:30 ng umaga.

Sa halip daw na magpahinga, agad itong namili ng bigas at tubig at tumulong sa pag-set up ng pantry sa Maginhawa.

Human-Interest

‘Okay ka lang?’ Mga paraan upang ‘mangumusta’ sa kaibigan o katrabaho

Matapos nito, umuwi umano ang organizer ng 1:00 ng hapon ngunit sa halip na matulog, muli itong lumabas upang maghanda ng panibagong community pantry sa Kalayaan.

Dahil sa pagod, nagkamali umano ito sa pagsulat ng karatula at nailagay ang salitang “Panty” imbes na “Pantry.”

“Regardless, it's the thought that counts! We love you hahaha. Okay lang yan at mabuhay ang BPO employees!” saad na lang ni Non sa kaniyang post.

Sa kabila ng pagkakamali, umani ng suporta at positibong reaksiyon mula sa netizens ang naturang insidente, kung saan marami ang nagpahayag ng paghanga sa dedikasyon ng volunteer.

Samantala, muling binubuhay ang konsepto ng community pantry, na unang sumikat noong kasagsagan ng pandemya ng Covid-19, bilang tugon sa kasalukuyang krisis sa langis na nakaaapekto sa mga tsuper at komyuter.

Maki-Balita: Community pantry, muling binuhay sa gitna ng oil crisis!

Ang community pantry ay isang inisyatibong nakabatay sa diwa ng bayanihan, kung saan maaaring kumuha ang mga nangangailangan ng sapat na suplay habang hinihikayat naman ang may kakayahan na magbigay ayon sa kanilang makakaya.

Sa kasalukuyan, layunin ng muling pagbuhay ng community pantry na makatulong sa mga sektor na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis, lalo na ang mga tsuper at araw-araw na komyuter.

Hinikayat naman ni Non ang publiko na patuloy na suportahan ang mga ganitong inisyatibo, kabilang ang community pantry na matatagpuan sa Matalino Street kanto ng Masikap sa Quezon City.

Maki-Balita: Community pantry: Mabuting virus ng kabutihan na kumalat sa buong bansa

Maki-Balita: Pasimuno ng Maginhawa community pantry, ginawaran ng 'Ambassador's Woman of Courage Award'