Ibinahagi sa publiko ni Navotas lone district Rep. Toby Tiangco ang kaniyang pagkagulat sa naging pahayag ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro na wala pa raw kinakaharap na krisis ang Pilipinas.
Matatandaang inilahad ni Castro sa publiko sa isinagawa niyang press briefing noong Lunes, Marso 23, na wala pa raw maaaring tawaging oil crisis sa bansa, base na rin daw sa naging pahayag ni Department of Energy Sec, Sharon Garin tungkol sa usapin ng krisis.
“Ang nais pong sabihin ng Pangulo patungkol sa oil crisis, pinapatungkulan niya po doon ay ang oil crisis sa Middle East. Pero sa ngayon po, sa atin, at sa payo ni Secretary Garin sa ating Pangulo, wala pa po tayong maaaring tawaging oil crisis sa bansa,” saad ni Castro.
KAUGNAY NA BALITA: Walang krisis sa suplay ng langis pero price disruption, 'maybe meron'—Palasyo
Ayon naman sa naging panayam ng News Watch Plus PH kay Tiangco nitong Martes, Marso 24, sinabi niyang tila nagulat daw siya sa nasaad ni Castro dahil sinabi na rin daw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na magbubuo siya ng komite para masolusyonan ang krisis.
“Nagulat nga ako sa statement ni Usec. Claire Castro yesterday na sinasabi niyang wala pang krisis,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Pero si Presidenteng Marcos naman ay nagsabi na magfo-form ng crisis committee.”
Ani Tiangco, tila raw kung ano-ano ang inaatupag ni Castro dahil hindi nito nalalaman may krisis nang kinakaharap ang bansa.
“So mukhang kung ano-anong ibang inaatupag ni Usec. Claire na hindi niya nare-realize na may krisis nga,” aniya.
Buwelta ni Tiangco, hinihintay pa ba raw ni Castro na magutom ang Pilipino bago nito saying may krisis talagang kinakaharap ang Pilipinas dulot ng sigalot na nagaganap sa Gitnang Silangan.
“Ano pa ba ang hinihintay niya? Hinihintay pa ba niyang magutom ‘yong ating mga kababayan bago niya sabihin na may krisis?” kuwestiyon ng mambabatas.
“Siguro dapat mas pagtuunan niya ng pansin ‘yong kailangan ng ating mga kababayan pagdating dito sa krisis sa Middle East,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na bagong pahayag, tugon, o reaksyon si Castro kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Palasyo kay Rep. Toby Tiangco: 'Daming sinasabi pero walang ebidensya!'
KAUGNAY NA BALITA: Rep. San Fernando hinamon ang Palasyo: 'Labas kayo ng opisina n'yo!'