May 22, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'Sa ayaw, sa gusto nila graduate na kami!' Ronnie Liang, pumalag sa iniisyung college diploma ng ilang celebs

'Sa ayaw, sa gusto nila graduate na kami!' Ronnie Liang, pumalag sa iniisyung college diploma ng ilang celebs
Photo courtesy: Ronnie Liang (IG)/Geneva Cruz, Wilbert Tolentino, Angelica Yulo, Sachzna Laparan (FB)

Nagbigay ng reaksiyon ang aktor, singer, piloto, at Philippine army reservist na si Ronnie Liang sa mga nagtataas ng kilay sa mga celebrity na nakapagtapos ng kanilang college degree sa isang partikular na pamantasan sa Maynila.

Marami kasi ang kumukuwestyon sa "kredibilidad" ng pagtatapos ng pag-aaral ng ilang celebrities na kamakailan lamang ay ibinida ang kanilang pagtatapos sa kolehiyo, kagaya na lamang ng singer-actress na si Geneva Cruz na Business Administration ang degree, ang talent manager na si Wilbert Tolentino na Office Administration naman, kapareho ng nanay ni two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo na si Angelica Yulo, at social media personality na si Sachzna Laparan.

Maki-Balita: Geneva Cruz, nakaraos na sa kolehiyo matapos ang 3 dekada

Maki-Balita: ‘Golden milestone!’ Angelica Yulo, degree holder na

Maki-Balita: Sachzna Laparan, pinalagan paratang sa college graduation niya

Tsika at Intriga

Andrea Del Rosario, nagbiro sa mga may pic kasama si Bato: 'Lahat kayo for questioning daw!'

Ang iba pang mga celebrity na naka-graduate din sa nabanggit na pamantasan ay sina dating senador at Pambansang Kamao Manny Pacquiao at aktor-public servant na si Jomari Yllana para sa Master's Degree in Management, major in Public Administration.

Sa nabanggit na unibersidad natapos ni Karla Estrada ang degree program na Office Administration.

Maki-Balita: Karla Estrada ibinida ang pagtatapos ng BS Office Administration sa PCU

Batay sa mga reaksiyon at komento ng netizens, kinukuwestyon nila ang naging proseso ng pag-aaral ng mga nabanggit na personalidad, at kung dumaan daw ba sila sa talagang prosesong pinagdaraanan din ng karaniwang mga mag-aaral.

Sa panayam at ulat ng Philippine Entertainment Portal (PEP) kay Ronnie, na graduate din sa nabanggit na pamantasan para sa kaniyang Doctor of Philosophy in Development Administration, nabanggit niyang kaya sila nag-aral ay dahil alam nilang hindi permanente ang pag-aartista kaya pinaghahandaan nila ang mga bagay na puwede pa nilang magawa at maipagmalaki.

Hindi raw sila nag-aral para "i-please" ang sinuman.

"Kung may mga taong ayaw maniwala, ayos lang. Wala kaming magagawa pero sa ayaw at sa gusto nila, graduate na kami," ani Ronnie.

Mensahe naman niya sa mga kritiko, "Siguro, mas makabubuti rin kung maglaan sila ng oras para mag-aral, para sila man ay mag-improve at mas mapalawak ang kanilang pananaw."

Ipinadala raw ni Ronnie sa PEP ang buong paliwanag tungkol sa tinatawag na "Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP) kung saan isa itong "legitimate academic pathway offered by many universities nationwide" at kasama na rito ang pamantasang pinagtapusan nila.

Binibigyan nito ng pagkakataon ang mga Pilipino, lalo na sa mga may abalang career tulad sa entertainment, public service, at iba pang larangan, na hindi nakapagtapos ng kolehiyo sa tradisyunal na paraan.

Sa pamamagitan ng ganitong sistema, nabibigyan sila ng pagkakataong ipagpatuloy at tapusin ang kanilang pag-aaral.

Para naman daw sa mga nais magpatuloy sa mas mataas na antas ng edukasyon, nag-aalok ang nabanggit na pamantasan ng mga graduate program tulad ng Master’s at PhD na gumagamit ng blended learning.

Ibig sabihin, pinagsasama ang online (virtual) na pag-aaral at personal (face-to-face) na klase. Kabilang dito ang modular na leksyon, mga takdang-aralin, pagsusulit, at ang thesis o dissertation defense na karaniwang requirement sa graduate studies.

Binibigyang-diin din sa pahayag ang konsepto ng academic freedom, na nakasaad sa Konstitusyon ng Pilipinas. Ibig sabihin, may kalayaan ang mga unibersidad na magdesisyon kung sino ang maaaring magturo, ano ang ituturo, paano ito ituturo, at sino ang maaaring tanggapin bilang estudyante. Layunin nitong mapanatili ang kalidad at integridad ng edukasyon sa bansa.

Tinutugunan din ng pahayag ang mga akusasyon laban sa ilang celebrity graduates. Ayon dito, iginagalang nila ang iba’t ibang opinyon, ngunit kung may paratang na hindi sila pumasok sa klase, hindi kumuha ng exam, o hindi gumawa ng thesis, kinakailangan itong patunayan. Kung walang ebidensya, ang mga ito ay itinuturing lamang na haka-haka o paninira.

Iginiit din na ang mga artista o kilalang personalidad ay may parehong karapatan tulad ng ibang estudyante—ang mangarap, mag-aral, at makatapos. Hindi dapat maliitin ang kanilang pagsisikap dahil lamang sa kanilang propesyon.

Kung may sinumang nagsasabing nakapagtapos sila nang hindi tumutupad sa requirements, hinihikayat silang lumantad at patunayan ito. Gayunpaman, hindi nito pinawawalang-bisa ang karanasan ng iba na sumunod sa lahat ng akademikong proseso.

Tungkol naman sa isyu ng transparency, ipinaliwanag na hindi lahat ng aspeto ng pag-aaral ay kailangang ipakita sa publiko. Ang hindi pagpo-post ng kanilang academic activities ay hindi nangangahulugang may itinatago sila—ito ay simpleng pagpili ng pribadong buhay.

Samantala, wala pang opisyal na pahayag na inilalabas ang pamantasan habang isinusulat ang artikulong ito.