Humingi ng dispensa ang seafood restaurant na Crabs N Crack kay Miss Grand International 2025 Emma Tiglao at sa kaniyang pamilya matapos ang umano’y hindi magandang karanasan ng mga ito sa kanilang Infinity branch, nitong Sabado, Marso 14.
Sa inilabas na opisyal na pahayag ng pamunuan ng restaurant, sinabi nilang ikinalulungkot nila ang nangyaring insidente at hindi umano nito kinakatawan ang mga pagpapahalaga ng kanilang brand pagdating sa maayos na serbisyo at paggalang sa mga customer.
Ayon sa pahayag, agad na nagsagawa ng internal review ang management team nang malaman ang tungkol sa insidente. Sinabi rin ng kompanya na napagdesisyunan na ang kaukulang hakbang laban sa staff member na sangkot sa pangyayari.
"Upon learning about the matter, our management team immediately conducted an internal review. The staff member involved has been dealt with accordingly, and we are reinforcing our service protocols and training across the team to ensure that professionalism, courtesy, and respect are upheld at all times," anila.
Dagdag pa ng restaurant, patuloy nilang pinatitibay ang kanilang service protocols at training ng mga empleyado upang matiyak na napapanatili ang propesyonalismo, paggalang, at maayos na pakikitungo sa lahat ng kanilang mga bisita.
Nagpasalamat din ang pamunuan kay Tiglao matapos umano nitong kilalanin ang paghingi ng paumanhin na ginawa ng kanilang assistant manager na nasa lugar noong araw ng insidente. Ayon sa kanila, mahalaga ang ganitong uri ng feedback upang mapanagot ang kanilang organisasyon at lalo pang mapabuti ang serbisyong ibinibigay sa mga kostumer.
Binanggit din ng seafood restaurant na nagsisilbing paalala sa kanila ang pangyayari tungkol sa kahalagahan ng pasensya, kabutihan, at paggalang sa industriya ng serbisyo.
Iginiit din ng pamunuan na patuloy nilang pagsisikapang mapanatili ang isang magiliw at respetadong kapaligiran para sa lahat ng pipiling kumain sa kanilang restaurant.
ANG RANT POST NI TIGLAO
Sa Facebook post ni Tiglao nitong Sabado, Marso 14, ikinuwento niyang nagpunta sila ng kaniyang pamilya upang mananghalian sa Crabs N Crack Infinity branch.
"I don’t usually rant online, but I believe this experience is worth sharing so others can be aware and hopefully so we can all learn from it," disclaimer ng beauty queen.
Ayon sa kaniya, paborito ng kanilang pamilya ang seafood kaya excited silang tikman ang kanilang inorder na Bundle A at B na may chili garlic, Cajun, at butter garlic na sauce.
Gayunman, nang dumating ang kanilang pagkain ay napansin nilang hindi tugma ang sauce sa kanilang inorder. Sa halip na chili garlic, dalawang Cajun at isang butter garlic umano ang naihain sa kanilang mesa.
Maayos naman umano nilang ipinaalam ang pagkakamali sa staff, ngunit sinabi raw sa kanila na hindi na ito maaaring palitan dahil naihanda na ang pagkain. Upang hindi na lumaki ang usapin, nagtanong na lamang sila kung maaari silang mabigyan ng kaunting chili garlic sauce bilang kapalit.
Ayon kay Tiglao, kinilala naman ng staff ang pagkakamali at nagbigay ng chili garlic sauce bilang complimentary, bagay na kanilang pinasalamatan.
Subalit habang ipinapahanda na nila ang natitirang pagkain para i-takeout, narinig daw niyang sinabi umano ng waiter na humawak ng kanilang order ang mga salitang “ang kapal ng mukha.”
Dahil dito, sinabi ni Tiglao na labis siyang nabigla sa narinig. Aniya, hindi siya mahilig makipagtalo ngunit naniniwala siyang mahalagang manatili ang respeto sa anumang sitwasyon.
"However, while we were preparing to have the food packed for takeout, the waiter who handled our order said, 'ANG KAPAL NG MUKHA.' In that moment, my heart started racing and my hands turned cold. I’m not someone who looks for conflict, but I also believe that respect should never be optional," aniya.
Bilang isa ring negosyante, ibinahagi ni Tiglao na palagi niyang pinaaalalahanan ang kaniyang mga tauhan na maging magalang at propesyonal sa mga customer, gaano man kaabala o kahirap ang araw sa trabaho.
"As a business owner myself, we always remind our team that no matter how busy or stressful the day gets, we must always treat customers with kindness and professionalism. A single moment of disrespect can stay with someone longer than we think," aniya.
Mensahe niya sa waiter, sinabi niyang umaasa siyang magsilbing-aral ang pangyayari hindi lamang para sa naturang empleyado kundi para sa lahat ng nasa service industry. Dagdag pa niya, bilang customer din ay tiyak na ayaw ng sinuman na maranasan ang ganoong klaseng pagtrato.
Dagdag pa niya, bilang customer din ay tiyak na ayaw ng sinuman na maranasan ang ganoong klaseng pagtrato.
"To the waiter who said those words, I genuinely hope this becomes a lesson not just for you, but for all of us in the service industry. We are all human, and we all deserve to be treated with dignity."
"CUSTOMER KA RIN KUYA AT FOR SURE AYAW MO RIN NA GAWIN SAYO YUNG GINAWA MO SA AKIN," aniya pa.
Sa kabila ng insidente, kinilala rin ni Tiglao na humingi ng paumanhin ang assistant manager ng restaurant para sa naging asal ng waiter—isang hakbang na kaniyang pinasalamatan.
"I also want to acknowledge that the assistant manager apologized for the waiter’s manner, which we appreciate," aniya.
Sa huli, hinikayat niya ang lahat na piliin ang pasensya, kabaitan, at respeto sa bawat pakikipag-ugnayan sa kapwa.
"Let’s all choose patience, kindness, and respect in every interaction," pahayag pa ni Tiglao.
Samantala, wala pang tugon si Tiglao sa public apology ng nabanggit na seafood restaurant.
Maki-Balita: Emma Tiglao, inireklamo isang resto; waiter, nagsabing 'Ang kapal ng mukha!'