Ipinagdiwang ng dating magkarelasyong sina Dennis Trillo at Carlene Aguilar ang tagumpay ng anak nilang si Calix Ho matapos nitong masungkit ang gintong medalya sa men’s fencing championships ng UAAP Season 88.
Naiuwi ni Ho ang ginto para sa University of the Philippines matapos talunin si Edan Ensamtan ng De La Salle University sa men’s individual epee event, 15–12, sa ginanap na laban noong Biyernes, Marso 13, sa Makati Coliseum.
Dahil sa panalo ni Ho, umangat sa ikalawang puwesto ang UP sa men’s fencing championships. Nasundan nito ang tagumpay ng national team stalwart na si Miggy Bautista, na nagkampeon din sa parehong event noong nakaraang season, upang mapanatili ng Fighting Maroons ang titulo sa men’s epee.
Sa kasalukuyan, may medal tally na 1–0–1 (ginto–pilak–bronse) ang UP—isang silver medal lamang ang agwat sa Green Fencers ng La Salle na may 1–1–1 na rekord.
Ayon kay Ho, hindi niya inaasahan ang pagkapanalo matapos ang matinding paghahanda para sa kompetisyon. Bago makarating sa finals, tinalo muna niya si Jotham Thai ng Ateneo de Manila University, 15–10, sa quarterfinals. Sinundan ito ng dikitang laban kontra kay Adam Putian ng University of Santo Tomas, 15–14, sa semifinals upang makapasok sa gold medal match.
Sa kabila ng kaniyang tagumpay, sinabi ng 18-anyos na rookie na nais niyang manatiling mapagkumbaba at tutukan pa ang team event ng kanilang koponan. Tatlong taon pa lamang umano siyang nagsasanay sa fencing.
Si Calix ay anak ni Dennis sa dati nitong karelasyon na si Carlene. Kapwa dumalo ang dalawa upang suportahan ang anak sa makasaysayang panalo nito, kasama rin ang kasalukuyang misis ni Dennis na si Jennylyn.
Sa Instagram Stories, ibinahagi ni Jennylyn ang ilang larawan mula sa torneo ni Calix habang naka-tag pa ang young athlete. Ibinahagi rin niya ang joint Instagram post ng UP Maroon Club at ni Carlene kung saan itinampok ang tagumpay ni Calix sa Men’s Epee Individual Event.
Proud na proud naman si Dennis sa kaniyang anak matapos siyang ibida sa kaniyang Facebook post.
"You deserve this…you made us all proud, congrats champ, we love you," ani Dennis.
Ibinahagi naman ni Carlene sa kaniyang Facebook account ang post ni Dennis gayundin ang mga balita patungkol sa panalo ng anak.
"So so proud of this dude, representing my Alma mater," saad ni Carlene sa isa pa niyang post.
Matagal nang sinusuportahan ng kaniyang mga magulang ang paglahok ni Calix sa mga kompetisyon sa fencing. Noong Setyembre 2025, nagkamit din siya ng unang puwesto sa isang fencing match—isang tagumpay na buong pagmamalaking ibinahagi noon ni Dennis sa social media.
Na-maintain naman nina Dennis at Carlene ang cp-parenting status nila kay Calix kahit matagal na silang hiwalay.
Si Carlene ay kasal naman sa kaniyang mister na si Yo Ocampo.
Maki-Balita: Calix Ho, nakopo ginto sa UAAP Season 88 men’s fencing championships